Tuesday, May 31, 2011

Plantation Resort 8

Naghintay siya subalit wala kahit isang sulat na dumating. Gayunpaman, hindi siya nawalan ng pag-asa at patuloy na naghintay.

Umusad ang panahon. Hanggang sa ang kanyang paghihintay ay hindi na sa pagdating ng sulat kundi sa pagdating ni Miguelito.

Disisiyete anyos na siya at nakapagtapos na ng hayskul. Tigil na siya sa pag-aaral at sa darating na tag-ulan, nakatakda na siyang magtrabaho sa pataniman.

Ikinalulungkot niya iyon dahil pangarap niya ang makapagkolehiyo. Subalit bilang anak ng isang trabahador, kailangan niyang tanggapin ang kanyang kapalaran.

Ang tanging nakakapagpasaya na lamang sa kanya ay ang inaasahang pagbabalik ni Miguelito na alam niyang magbibigay-aliwalas sa kanyang makulimlim na hinaharap.

At hindi nga siya nabigo. Dahil Biyernes Santo nang hapon habang tahimik sa pangingilin ang buong plantasyon, tahimik ding dumating si Miguelito. Wala siyang kamalay-malay dahil nasa simbahan siya at tumutulong sa pag-aayos ng karo.

Bandang alas-singko, umuwi siya para maligo at magbihis. Wala sa kubo ang kanyang ina na susunduin niya rin sana para sa prusisyon. Nalaman niya sa ama na ipinatawag ito sa malaking bahay dahil dumating nga si Miguelito.

Hindi siya nakapagsalita sa pagkabigla. At nang matauhan, halos liparin niya ang malaking bahay sa labis na tuwa.

Hindi niya alam kung bakit ang bilis ng tibok ng puso niya. Siguro dahil sa ginawa niyang pagtakbo. Subalit matagal na siyang nakahinto, nakapirmi at naghihintay sa paglabas ni Miguelito, hindi pa rin bumabagal ang tibok ng puso niya. Sa halip ay tila lalong bumilis ito dahil sa matinding pananabik.

Nang marinig niya ang mga yabag nito pababa ng hagdan at ang tinig na hinahanap siya, halos hindi niya mapigil ang kanyang damdamin sa sulak ng labis na saya. Lumabas siya ng kusina upang ito ay salubungin. At parang hindi siya makahinga nang sa wakas, pagkaraan ng mahabang paghihintay, ay muli niyang masilayan si Miguelito.

Kung noong unang kita niya rito ay mukha itong anghel, ngayon ay mistula itong diyoso dahil sa mga pagbabagong hatid ng pagbibinata nito. Higit itong makisig, matangkad at may kakaibang linagnag. Kahit hindi naglalayo ang kanilang tangkad at bulto ng katawan – dahil sa paglipas ng panahon ay marami ring naging pagbabago sa kanya – bahagya siyang nakaramdam ng pagkamababa sa kanilang paghaharap. Bagay na kaagad ding naglaho dahil sa malugod na pagbati nito na walang anumang bahid ng pagkamataas.

Kinamayan siya gayong ang inaasam niya sana ay isang yakap. Subalit mahigpit ang naging pagkakabalot niyon sa kanyang palad, sapat upang gapangan siya ng init sa buong katawan.

At pagkatapos niyon, nanatili silang nakatingin sa isa’t isa. Na para bang hinahanap ng kanilang mga mata ang nasa kalooban nila, inaalam kung naroroon pa rin ang dating damdamin kahit na sila ay apat na taon ding nagkawalay.

Bagay na hindi mapasusubalian sa mga ngiting sumilay hindi lamang sa kanilang mga labi kundi pati sa kanilang mga mata, tanda ng wagas na ligaya sa muling pagkikita.

Kumustahan. Maiksi. Hindi dahil walang masabi kundi dahil wala nang kailangang sabihin. Hindi na kailangan ang mga salita upang sila ay magkaintindihan.

Hindi na makakasama si Aling Rosa sa kanya upang magprusisyon. Inaasahan niya na iyon dahil sa kaabalahan nito sa kusina. Ang hindi niya inaasahan ay ang pagpiprisinta ni Miguelito na samahan siya.

“Sigurado ka?” ang tanong niya.

“Oo.”

At kahit inaalala niya na pagod ito sa biyahe, napangiti na lamang siya at nagalak dahil sa magandang pagkakataon na sila ay magkasama.

Ang akala niya ay magkokotse sila subalit mas gusto ni Miguelito na lakarin na lamang ang distansya mula plantasyon hanggang simbahan. Malayo-layo rin iyon subalit gusto raw nitong magpahangin at makapamasyal.

Papalubog na ang araw at kayganda ng pagkakasabog ng liwanag sa daang kanilang tinatahak na nayuyungyongan ng mga akasya. Humuhuni na ang mga kuliglig at humahapon na ang mga ibon. Paisa-isa na ring nagliliparan ang mga paniki.

“Napakaganda ng lugar na ito,” ang sabi ni Miguelito. “Kung maaari nga lang, dito na ako pumirmi.”

“Bakit nga hindi,” ang sagot ni Alberto.

“Ayaw ni Mama. Hindi raw kami nababagay dito. Ang gusto niya ay sa siyudad.”

“Bakit hindi mo nga pala kasama ang Mama mo? At si Isabel?”

“May debutante ball kasi silang kailangang daluhan after Holy Week.”

“Debutante ball?”

“Isang pagtitipon na kung saan ang mga kadalagahan na magdidisiotso ngayong taon ay sama-samang magdiriwang ng kaarawan upang ipakilala sa lipunan. Mahilig si Mama sa mga ganyan kaya isinali niya si Isabel. Ako nga sana dapat ang escort kaya lang tumanggi ako.”

“Bakit?”

“Nababagot ako sa mga sosyalang ganyan. Kaya mas pinili ko pang umuwi na lang dito. Susunod din sila pagkatapos ng okasyon.”

“E sino na ang escort ni Isabel?”

“Si Leandro.”

“Kumusta na nga pala si Leandro?”

Saglit na patlang.

“Huwag na muna natin siyang pag-usapan,” ang sagot ni Miguelito pagkaraan.

Kalat na ang dilim nang sapitin nila ang simbahan subalit nagliliwanag ang buong kapaligiran dahil sa ilaw ng mga karo. Naroroon ang mga ipuprusisyon na imahe ng iba’t ibang mga santo na kinabibilangan nina San Pedro, Santa Veronica, Santa Salome at Maria Magdalena, ng Santo Entierro at ng Mater Dolorosa. Doon nila piniling umilaw.

Pinuri ni Miguelito ang dekorasyon ng karo at ipinagmalaki ni Alberto na isa siya sa mga nag-ayos nito.

“Wow, mahilig ka pala sa art.”

“Ikaw, mahilig ka rin ba?”

“Hindi masyado. Pero sa sports, mahilig ako.”

“Yun naman ang hindi ko masyadong hilig.”

Ilang sandali pa, kumalembang na ang kampana at nagsimula ang prusisyon. Kasabay sa pagtugtog ng mga musiko ay ang pagdarasal ng rosaryo. Napansin ni Alberto na pinagtitinginan si Miguelito ng mga tao. Maaaring dahil bagong mukha ito o dahil nakikilalang anak ni Don Miguel. Naisip niya rin na siguro ay dahil sa pamumukod-tangi ng itsura nito na matikas at mestisuhin. Lihim siyang napangiti at nakaramdam ng pagmamalaki dahil siya ang kasama nito.

Habang lumalakad ang prusisyon, manaka-naka’y napapasulyap siya kay Miguelito. Nakayuko ito at anyong taimtim na nagdarasal. Minsang napasulyap din ito sa kanya, hindi niya naiwasang mabighani sa ningning ng mga mata nito sa tanglaw ng mga kandila. Tila nakalimot siya kung nasaan sila. Hindi niya kaagad nagawang bumitiw ng tingin dahil ayaw din siyang bitiwan nito. Hindi lang mga mata niya ang nabatubalani kundi pati ang kanyang puso.

Inilibot ang prusisyon sa mga pangunahing lansangan ng kabayanan. Halos hindi nakaramdam ng pagod si Alberto dahil sa kasiyahang dulot ng magkaantabay nilang paglalakad ni Miguelito. Kung maaari nga lang na magpatuloy iyon nang walang hangganan.

Subalit katulad ng kasabihan, literal na tumuloy pabalik sa simbahan ang pagkahaba-habang prusisyon at doon natapos.

At dahil wala nang misa, nagsimulang mag-uwian ang mga tao, kabilang na sila. Subalit kung ang mga ito ay nagmamadali, sila naman ay nagmamabagal na parang kanila ang lahat ng oras.

Salungat sa dapat sana ay malungkot na mood ng Biyernes Santo, masayang-masaya si Alberto. Napakaaliwalas ng tingin niya sa kapaligiran, siguro dahil bilog ang buwan. Napakaliwanag ng daan pabalik sa plantasyon gayong nalalambungan ito ng mga puno.

“Magtatagal ka ba ngayon dito?” ang tanong niya kay Miguelito.

“Oo,” ang sagot. “Iyon ang sabi ko kay Mama. Iyon din ang gusto ni Papa.”

“Buong bakasyon, dito ka?”

“Oo. Dito ako pinakamasaya.”

“Bakit, hindi ka ba masaya sa Maynila?”

“Masaya rin. Pero nitong huli, na-realize ko na dito pala ako mas masaya.”

“Bakit naman? Mas malungkot nga rito dahil masyadong tahimik.”

“Iyon nga ang gusto ko. Tahimik. Walang gulo. At saka…”

Hinintay niya ang karugtong ng sasabihin ni Miguelito. Subalit sa halip na magpatuloy ay inakbayan siya nito.

“At saka ano?”

Tumingin ito sa kanya at ngumiti. Tapos, kinabig siya.

“Naririto ka.”

(Itutuloy)

Part 9

Saturday, May 28, 2011

Broken

Kaka-break ko lang noon sa boyfriend ko nang magkakilala kami ni Roy. Malungkot ako. Inaaliw ko ang sarili ko kaya panay ang gala ko sa mall.

Una ko siyang nakita na nakatambay sa fourth floor ng SM, malapit sa sinehan. Naka-hiphop outfit, may bandana pa sa ulo. 19 lang siya noon.

Nagkatinginan kami. Nginitian niya ako.

“Oh, please…” ang sabi ko sa sarili. “Callboy.”

I ignored him. I went inside the cinema.

Tahimik akong nanonood nang may tumabi sa akin. Dedma lang. Ni hindi ko tiningnan.

Naramdaman ko na parang hindi mapakali ang katabi ko, pasulyap-sulyap sa akin. Tumingin ako sa kanya. And I recognized him.

Si Callboy.

Napabuntonghininga ako. “Oh, well,” ang sabi ko sa sarili. “Why not? Malungkot ako, di ba?” At nagpasya akong patulan siya.

Muli akong tumingin sa kanya. Nginitian ko siya.

Ngumiti rin siya. Nakita ko sa dilim ang mapuputi niyang ngipin. “Hi,” ang sabi. “Ako si Roy.”

“Ako si Aris.”

Maya-maya naramdaman ko, hinahawakan niya ang kamay ko. Nagpaubaya ako.

Humilig siya sa akin. Maya-maya’y sumiksik. Malamig ang aircon kaya may ginhawang hatid ang pagdidikit ng aming mga katawan. Nalanghap ko ang amoy ng magkahalong pabango at yosi. There was something very masculine about his scent.

Pinakiramdaman ko kung ano ang susunod niyang gagawin. Pero nanatili siyang nakahilig at nakasiksik lamang sa akin.

Pinagmasdan ko siya. Kahit sa dilim aninag ko ang maganda niyang mukha. Maamo. Inosente. Parang masarap alagaan at mahalin. “Sayang, callboy siya,” ang bulong ko sa sarili.

Bago ako tuluyang madala at makalimot sa kaakit-akit na itsura niya, I decided to talk business. Binawi ko ang kamay ko, lumayo ako sa aming pagkakadikit at hinarap ko siya. “Magkano?” ang tanong ko.

Tahimik siyang nakatingin sa akin. Alam niya ang ibig kong sabihin.

“Hindi ako callboy,” ang sagot niya.

Nakaramdam ako ng pagkapahiya.

“I’m sorry,” ang sabi ko.

At hinawakan ko ang kamay niya.

***

Muli kaming nagkita ni Roy. It was a planned date. I was expecting to see the same hip-hop guy pero nagulat ako nang dumating siya. Disente ang ayos niya. Naka-polo shirt. Naka-gel pa ang buhok. Parang nagpa-pogi talaga siya para sa okasyon!

Nag-dinner kami. Nakakatuwa dahil nilibre niya ako. Balak ko sana ako ang manlilibre, pero hindi siya pumayag.

“Ako ang nagyaya, di ba?” ang sabi niya.

“Ibang klase ang batang ito,” ang nasabi ko na lamang sa aking sarili.

Over coffee and yosi, nagsimula siyang magkuwento tungkol sa kanyang sarili.

Solong anak siya. Magkahiwalay ang parents na parehong nagtatrabaho sa ibang bansa. Hindi problema ang pera dahil dala-dalawa ang sumusustento sa kanya. Nakatira siya sa kanyang Tita at nag-aaral pa siya.

“Alam mo minsan, pakiramdam ko, mag-isa lang ako,” ang seryoso niyang sabi. “Wala akong magulang. Wala akong kapatid.”

“Marami ka naman sigurong kaibigan,” ang sabi ko.

“Marami. Pero iba pa rin siyempre yung pamilya.”

Pinagmasdan ko si Roy. He looked younger than his 19 years. Para siyang bata na may dinaramdam at nagsusumbong.

Nagsindi siya muli ng yosi. Napansin ko ang suot-suot niyang leather bracelet. Nagandahan ako.

“Pahiram. Sukat ko,” ang sabi ko.

Nag-alinlangan siyang tanggalin ito. Pero pinagbigyan niya ako. Tinanggal niya ang bracelet. At doon ko napansin ang pilat na tinatakpan nito.

Napansin niya na nakatingin ako sa pilat.

Sinagot niya ang tanong sa isip ko. “Suicide attempt he he!” ang parang pabiro niyang sabi pero alam ko, nagsasabi siya ng totoo.

Nagtatanong ang mga mata ko.

“Masyado akong naging malungkot noong maghiwalay ang parents ko. Di ko kinaya.” Seryoso siya. May nakadungaw na pait sa kanyang mga mata.

May awang humaplos sa aking puso.

Tumitig ako nang diretso sa kanyang mga mata. “Wag mo na uling gagawin.” Madiin ang bigkas ko sa aking mga salita. “Please. Promise me.”

Ngumiti siya.

“Hindi na. I promise.”

***

We saw each other regularly sa loob ng dalawang buwan. Every moment was a beautiful experience. Kakain kami sa labas. Manonood ng sine. Magho-holding hands. We would even kiss.

“Tayo na ba?” ang tanong ni Roy sa akin.

Katahimikan. Hindi ko alam kung ano ang aking isasagot.

“I don’t know,” ang pagpapaka-honest ko.

“Bakit di mo alam?”

Mahal ko siya pero may emotional baggage pa ako sa break-up namin ng ex ko kaya hindi ko masabi sa kanya.

“I am not yet over him,” ang pag-amin ko. “Mahal ko pa siya!”

Hindi kaagad nakapagsalita si Roy. May hurt akong nakita sa kanyang mga mata.

“E ano tayo?”

“Ewan ko.”

“Pero mahal na kita, Aris. Mahal na kita!”

“Pero hindi ako sigurado.”

“Saan ka hindi sigurado? Sa akin? Hindi ka sigurado kung dapat mo ba akong mahalin?”

“Hindi ako sigurado sa sarili ko. Ayokong lumabas na panakip-butas ka, na ginagamit lang kita para ipampuno sa emptiness na nararamdaman ko. Dahil hanggang ngayon, kahit nandiyan ka na, hinahanap-hanap ko pa rin ang ex ko. Naiintindihan mo ba ako?

Hindi sumagot si Roy.

“Bigyan mo ako ng time. Time to heal. Time to sort things out.”

Bumuntonghininga siya.

“Ayoko na,” ang bulalas ni Roy.

“Anong ayaw mo na?”

“Ayoko nang maghintay. Ayoko nang umasa. Kung hindi mo rin lang ako pwedeng mahalin ngayon, itigil na natin ito. Habang hindi pa masyadong malalim. Habang hindi pa masyadong masakit.”

“Roy! What are you saying?”

“Maghiwalay na lang tayo.”

I was stunned.

Hindi ako makapagsalita. Hindi ako makagalaw. Nakatingin lang ako sa kanya.

“Goodbye, Aris.”

Nang mahimasmasan ako, wala na siya.

***

Hindi inaasahan, nakita ko uli siya pagkaraan ng anim na buwan. Sa dating lugar na kung saan una ko siyang nakita. Sa fourth floor ng SM, malapit sa sinehan.

Nakatalikod siya, naka-lean sa barandilya padungaw sa ibaba.

“Hey, Roy,” ang bati ko sa kanya sabay tapik sa likod niya.

Lumingon siya. “Aris,” ang halos pabulong niyang tawag sa pangalan ko.

“Kumusta ka na? It has been a long time,” ang sabi ko.

There was something strange about the way he looked.

“Ok lang,” ang sagot niya.

“Anong ginagawa mo rito?”

“Wala. Tambay lang.”

“Pumayat ka. Nagkasakit ka ba?”

“Kalalabas ko lang ng ospital.”

And then I saw it. Ang bandage sa kanyang left wrist.

Oh my God! Don’t tell me…

Napansin niya ang expression sa aking mukha.

“I did it again,” ang sabi niya sa akin.

Hindi ako makapagsalita.

“Nagka-boyfriend ako after na maghiwalay tayo. Mahal na mahal ko siya. Pero iniwan niya ako. I got so depressed…”

“But you promised. Sabi mo sa akin noon, di mo na uli gagawin.”

“Sorry,” ang sabi. “But hey, it’s over. I’m okay now.”

Napabuntonghininga ako. Hinagod ko siya ng tingin. May lungkot at awa akong naramdaman para sa kanya.

Sumunod ang mahabang katahimikan. At a loss kami pareho kung ano pa ang dapat sabihin.

“I have to go,” ang sabi niya sa akin pagkaraan.

“Do you really have to?” ang tanong ko.

“May pupuntahan pa ako.”

“Will you text me?”

“Yeah. Sure.”

At umalis na siya.

I never heard from him again.

Saturday, May 21, 2011

Sa Iyong Hardin


Maalinsangan ang gabi. At dahil sa mapang-akit mong himig, napadungaw ako sa balkonahe.

Nakita kita sa ibaba. Nakaupo, hubad-baro, may katabing bote ng beer. Tumitipa ng gitara habang nakatanaw sa malayo.

Pinagmasdan kita, katulad ng aking ginagawa kapag ikaw ay nasa iyong hardin.

Bigla kang napatingala at nahuli mo akong nakatingin. Sinalubong mo ang aking mga mata. Mapanukso ang dati ay mahiyain mong titig.

Hinimas mo ang iyong matipunong dibdib, gayundin ang iyong impis na tiyan. Tumungga ka ng beer na tumapon sa iyong katawan. Ngumiti ka sa akin at nagmistulang isang panaginip.

Maya-maya, muli mong kinalabit ang mga kuwerdas.

Napapikit ako. Napahinga nang malalim.

Nalanghap ko ang halimuyak ng iyong mga bulaklak.

Sunday, May 15, 2011

Plantation Resort 7

Nakatingin sa kanya ang ama’t ina na may pagtataka kung bakit apektadong-apektado siya.

Natigilan si Alberto. Binabaan ang boses upang huwag ipahalata ang labis na pag-aalala. “Sinong bata, Nay?” ang ulit niya. “Ano’ng nangyari?”

“Si Isabel. Tinangka siyang lasunin ni Saling.” Si Saling ay isa sa mga katulong sa malaking bahay.

“Ho?” Nagulat si Alberto.

Gayundin si Mang Berting. “Bakit ginawa iyon ni Saling?”

“Bilang paghihiganti.”

“Paghihiganti? Bakit? Kanino?”

“Sa ina ni Isabel,” ang sagot ni Aling Rosa. “Nakalimutan mo na ba? Si Saling ang asawang iniwan ni Delfin nang makipagtanan kay Miss Josephine.”

Natigilan ang mag-ama. Nagbalik sa alaala ang iskandalo noon.

“Ano’ng nangyari? Paanong nilason?” ang tanong ni Mang Berting pagkaraan. Nakikinig lang si Alberto, hindi alam ang sasabihin.

“Humingi ng juice ang bata kay Saling. Doon niya inihalo ang lason.”

“Anong lason?”

“Talampunay daw.”

Napakunot-noo si Mang Berting. “Nakalalason ba ang talampunay? Parang droga lang ‘yun na nakasisira ng katinuan.”

“Depende siguro sa dami ng dahong pinakuluan,” ang sagot ni Aling Rosa.

“Ano’ng nangyari sa bata?”

“Nahilo. Nagsuka. Kinumbulsyon.”

“Paano nalamang si Saling ang may gawa?”

“May nakakita sa kanya. At saka umamin nang kinumpronta.”

“Ano’ng nangyari kay Saling?”

“Pinagsasabunutan siya ni Doña Anastasia. Pinagsasampal. Pinagtatadyakan.” Napabuntonghininga si Aling Rosa. “Napakalupit pala ng Donya.”

“E si Don Miguel, ano’ng ginawa?”

“Pinalayas niya si Saling. Hindi lang sa malaking bahay kundi sa buong plantasyon. Hinding-hindi na siya maaaring tumapak dito kahit kailan.”

Napailing na lamang si Mang Berting.

Si Alberto naman, sa kabila ng pag-aalala kay Isabel, ay nakahinga nang maluwag dahil hindi kay Miguelito nangyari ang panglalason.

Tahimik nilang ipinagpatuloy ang pagkain. Bawat isa ay naging okupado ng sariling isipin.

Dalawang araw ang lumipas bago nagkaroon ng balita si Alberto tungkol kay Isabel. At iyon ay nakarating sa kanya sa pamamagitan ni Miguelito. Muli itong dumalaw sa kubo nila at katulad noong una, wala siyang pagsidlan ng tuwa.

“Nakalabas na ng ospital si Isabel. Maayos na ang kanyang lagay.”

“Mabuti naman kung ganoon.”

“Ikaw, kumusta ka na?”

“Heto, nagpapagaling pa rin.”

Pumasok sila sa bahay.

“Dito ka na mananghali. Magluluto ako,” ang excited niyang sabi. “Pero kailangan muna nating mamingwit ng tilapia sa likod bahay. Tiyak na mag-e-enjoy ka.”

“Hindi ako maaaring magtagal,” ang sagot ni Miguelito.

“Ha? Bakit?”

“Nagpunta lang ako para magpaalam.”

“Ha?” Napatitig siya kay Miguelito. Nagsimulang mapalitan ng lungkot ang tuwa sa kanyang mga mata.

“Aalis na kami bukas. Dahil sa nangyari, ayaw nang magtagal ni Mama dito sa plantasyon. Pati si Tita Rosario, gusto na ring bumalik sa Maynila. Natatakot siya na baka mangyari kina Leandro at Sofia ang nangyari kay Isabel.”

Tuluyan nang nalungkot si Alberto. “Kelan uli kayo babalik?”

“Hindi ko alam. Maaaring matagal uli. Depende kay Mama.”

Natahimik si Alberto, napayuko.

“Bakit?” ang tanong ni Miguelito.

“Wala. Nalulungkot lang ako.” Nag-angat siya ng mukha. “Kaytagal kong hinintay ang iyong pagbabalik. Tapos, aalis ka na kaagad.”

“Akala ko nga magtatagal kami.”

“Mami-miss kita,” ang kanyang sabi.

Lumapit sa kanya si Miguelito. “Huwag kang mag-alala, susulatan kita.”

Bahagya siyang napangiti. “Sige, magsulatan tayo.”

Nagulat siya nang bigla siyang niyakap ni Miguelito. “Paalam, Alberto.”

Napayakap na rin siya rito. “Paalam, Miguelito.”

Higit siyang nagulat sa sunod na ginawa nito. Hinagkan siya sa pisngi. Pagkatapos, naramdaman niya ang pagdampi ng mga labi nito sa mga labi niya.

Napapikit siya. Parang tumigil ang galaw ng paligid. Pati kahol ni Bantay ay parang hindi niya marinig.

Matagal silang nanatiling ganoon. Magkayakap na parang ayaw magbitiw.

At nang magmulat siya ng mga mata, napapitlag siya nang makita kung sino ang nakatayo sa pintuan ng kubo nila.

Si Leandro. Sinundan pala si Miguelito at hindi nila namalayan ang pagdating.

Nakatingin sa kanila. May panibugho sa mga mata.

Kaagad silang nagbitiw. At bago pa siya nakapagsalita, tumalikod na ito.

“Leandro,” ang tawag ni Miguelito.

Tumigil sa paghakbang si Leandro at nilingon si Miguelito.

“Umuwi na tayo,” ang sabi nito.

Saglit na tumingin si Miguelito kay Alberto bago tuluyang umalis kasama si Leandro.

Mula sa bintana, tinanaw niya ang paglayo ng dalawa hanggang sa maglaho ang mga ito sa paningin niya.

Maya-maya, hinaplos niya ang kanyang pisngi. Pagkatapos, sinalat ang kanyang mga labi.

At sa kabila ng napipintong pangungulila, siya ay napangiti.

(Itutuloy)

Part 8

Tuesday, May 10, 2011

Summer’s End

Malakas ang kutob ko na nasa Mikko’s ka nang gabing iyon. Una, dahil taga-Calapan ka. Pangalawa, dahil alam kong umuuwi ka kapag Holy Week at nagpupunta sa Galera.

Sa kabila ng kasiyahan, hindi ko magawang tuluyang magpatianod. Binabalisa ako ng iyong alaala at sa bawat tagay at lagok ng Mindoro Sling, pilit kong inaapuhap sa kaguluhan ang iyong mukha.

At hindi nga ako nagkamali.

Dahil sa likod ng umiindayog na mga katawan at umaalimbukay na usok ng mga sigarilyo, namataan kita. Isang maulap na imahe na noong una ay inakala kong pangitain lamang.

Kahit mayroon nang antisipasyon, nagulat pa rin ako sa biglang bayo ng kaba sa dibdib ko. Lagi namang ganoon, kahit noon. Mere presence mo lang, bumibilis na ang tibok ng puso ko.

At nakita mo rin ako.

Sa pagtatama ng ating mga mata ay tila sandaling tumigil ang musika at nag-slow motion ang paligid. Parang ikaw lang at ako ang naroroon, sa gitna ng banayad na alon ng mga tao.

Sa mga unang bara ng “The Time” ng Black-Eyed Peas, dahan-dahan tayong lumapit sa isa’t isa. At nang magtagpo, nagsayaw tayo sabay sa pagbilis ng tiyempo. Hindi na natin kailangang magsalita, sapat na ang ating mga titig at galaw upang ipahiwatig kung gaano tayo kasaya sa muling pagkikita.

Maya-maya pa, kinuha mo ang aking kamay at ako ay hinila palayo sa magulong lugar na iyon. Naging sunud-sunuran ako sa’yo. Katulad noon, walang pagtatanong at pagtutol.

Dinala mo ako sa dalampasigan na kung saan pinakalma ng mga alon ang aking kalooban. Hinagkan ng tubig ang ating mga paa at naglakad tayo patungo sa direksyon ng batuhan na naging makasaysayan sa atin noon, dalawang taon na ang nakararaan.

“Sino’ng kasama mo?” ang tanong mo.

“Barkada,” ang sagot ko. I was so caught up in the moment na basta ko na lang sila iniwan. “Ikaw?”

“Ako lang mag-isa.”

“Hindi mo siya kasama?”

“Hindi.”

“Kayo pa rin ba?”

“Oo.”

I was hoping otherwise. Masakit malaman na hanggang ngayon matatag pa rin ang inyong relasyon. Who would ever think na mas tatagal pa kayo kaysa sa atin gayong on the rebound ka lang noon?

“Ikaw? Kayo pa rin ba?”

“Hindi na.”

Tumingin ka sa akin pero hindi ka na nagsalita.

Tahimik nating ipinagpatuloy ang paglalakad. Nagpapakiramdaman, nag-iisip. Tila inaapuhap ang susunod na sasabihin. May pag-aalinlangan kung kailangan bang muling balikan ang nakaraan.

Subalit pagsapit natin sa batuhan, hindi iyon naiwasan. Napakapamilyar ng lugar na iyon upang balewalain ang naging kahulugan niyon sa atin.

“Parang kailan lang, dito tayo nagkakilala,” ang iyong sambit habang pinagmamasdan ang kulumpon ng malalaking batong nakausli sa buhangin.

“Two summers ago, to be exact,” ang aking tugon.

Nagkakilala tayo noon sa panahon ng paghahanap. Nang magtagpo tayo sa batuhang iyon, hindi na natin kailangang magsalita. Sapat na ang mga titig upang ipahiwatig ang kagustuhang makipagniig.

One night stand lang iyon dapat. Subalit pagkaraan nating mag-alab, niyaya mo akong uminom. Nag-usap tayo at nagkapalagayang loob. Papasikat na ang araw, hindi pa rin tayo naghihiwalay. Nakaupo tayo sa beach, nag-uusap pa rin. At nang magyakap tayo upang magpaalamanan, alam natin na may magic na naganap. Sa isang hindi inaasahang lugar at pagkakataon, natagpuan natin ang pag-ibig.

Lumisan tayo sa isla at ipinagpatuloy sa Maynila ang ating naging simula.

Subalit katulad ng paglalayag sa Batangas Bay, naging maalon ang ating relasyon. Ang hindi natin maintindihan, mahal naman natin ang isa’t isa subalit bakit palaging may unos?

Hanggang sa pareho tayong mapagod at mawalan ng lakas upang labanan ang paulit-ulit na mga pagsubok.

“Bakit mo ako iniwan noon?” ang tanong mo.

“Ikaw ang umiwan sa akin,” ang sagot ko.

“Binalikan kita. Pero may iba ka na.”

“Akala ko, hindi ka na babalik.”

It was our biggest mistake. Ang gumive-up nang ganoon kabilis. Siguro dahil napakabilis din ng mga naging pangyayari sa atin.

Hanggang sa nabalitaan ko, may bago ka na rin.

Hindi ko akalain na magiging ganoon iyon kasakit. Ang intensyon kong saktan ka ay nag-boomerang sa akin.

At ang higit na masakit ay nang muling mag-krus ang landas natin nang sumunod na tag-init. Sa Galera rin, nagkita tayo at pareho nang may kasamang iba.

Nagpaka-civil tayo. Nagbatian at ipinakilala ang mga partner. The four of us even shared a pitcher of Mindoro Sling. Subalit sa likod ng pagpapaka-pleasant, nag-uusap ang ating mga mata. Nagtatanong… nagsusumamo… nasasaktan.

Nang summer na iyon, iisa ang aking naging realisasyon. Mahal pa rin kita.

I continued aching for you after that. At dahil ayokong maging unfair sa partner ko, ginawa ko ang nararapat. Nakipaghiwalay ako sa kanya.

Hinintay ko ang iyong muling pagbabalik. Subalit naghintay ako sa wala.

Pinilit kong kalimutan ka. And just when I thought I was already successful, heto at summer na naman. Hindi yata talaga kita matatakasan dahil muli tayong nagkita. At ngayon nga, nag-uusap tayong dalawa.

“Bakit hindi mo siya kasama?” ang tanong ko.

“May family affair sila,” ang sagot mo.

“Ang tagal n’yo na rin.”

“More than a year.”

“Samantalang tayo noon, hindi man lang umabot ng isang taon.” Hindi ko nagawang ikubli ang pagdaramdam sa aking tinig.

“Bakit kayo naghiwalay?” Ikaw naman ang nagtanong.

“Dahil ayokong dayain ang sarili ko.”

Tumitig ka sa akin, nagtatanong ang mga mata.

Inamin ko ang totoo. “Mahal pa rin kita. Sa paglipas ng panahon, hindi iyon nawala.”

Hindi ka nakapagsalita.

“Hinihintay ko pa rin ang iyong pagbabalik.”

Nanatili kang tahimik.

“Mahal mo pa ba ako?” ang tanong ko.

Lumapit ka sa akin. At binalot mo ako ng iyong mga bisig. Sa iyong mga yakap, muli kong nadama ang pamilyar na init ng iyong dibdib.

“Mahal pa rin kita,” ang sabi mo.

Sa ritmo ng magkasabay na pintig ng ating mga puso, sandali akong nakalimot sa mga sakit na idinulot ng masalimuot nating pag-ibig.

“Bumalik ka na sa akin,” ang sabi ko. “Magsimula tayong muli.”

Muli kang natahimik. At pagkatapos, kumalas ka sa pagkakayakap sa akin.

“Hindi na ganoon kadali,” ang sabi mo.

“Bakit?”

“Dahil masyado na akong committed sa kanya.”

Ako naman ang natahimik.

“Magka-live in na kami,” ang dugtong mo pa. “At nito lang huli, may itinayo kaming business. Masyado nang malalim ang pagsasama namin. Hindi ko na siya maaaring iwan.”

Mula sa karagatan, nadama ko ang ihip ng malamig na hangin. Umahon ang kirot sa aking dibdib at nagsimulang manlabo ang aking paningin.

Muli mo akong niyakap, marahil upang payapain. Yumakap din ako sa’yo at kumapit. Tila nanghihina ako bunsod ng muling pagkabigo na maangkin ang pag-ibig mo.

Hinanap ng mga labi mo ang mga labi ko. At nang magdampi tayo, siniil mo ako nang buong pananabik. Humigop ako ng lakas sa iyong mga halik.

Humigpit ang ating mga yakap at nadama ko ang paggapang ng iyong bibig. Bumilis ang daloy ng aking dugo sa pagkakadarang sa iyong init.

“Mahal pa rin kita,” ang ulit mo habang patuloy sa pagsaliksik sa akin.

Nagpaubaya ako. Kaytagal kong pinanabikan na tayo ay muling magdaop.

“Atin ang mga sandaling ito. Let’s make love,” ang bulong mo.

Napasinghap ako sa pagdako ng iyong bibig sa aking dibdib.

“Maaari pa rin tayong magpatuloy,” ang sabi mo. “Maaari pa rin tayong magkita kahit hindi na maaaring maging tayo.”

Naramdaman ko ang haplos ng iyong mga kamay. Muli akong napasinghap nang matagpuan niyon ang aking kaselanan.

“Will you be my number two?” ang tanong mo.

Tumimo iyon sa aking kamalayan nang higit sa pagtimo ng sensasyon sa aking kalamnan.

Number two. Kabit. Second best.

Para akong biglang natauhan. Tangay man ng agos ng pagnanasa, nanaig ang aking katinuan. Nagpumiglas ako at kumawala.

“Bakit?”

Hindi ako sumagot. Sa halip, unti-unti akong umurong.

“Bakit?” ang ulit mo. “Ayaw mo na ba?”

“Kung hindi ka rin lang lubusang mapapasaakin, ayaw ko na.”

“Akala ko mahal mo pa rin ako.”

“Ayaw kong makiamot ng pag-ibig.”

Natigilan ka, napatingin sa akin nang mataman.

“Kailangang matapos na ang kabaliwang ito. Wala rin tayong patutunguhan. Patuloy lang akong masasaktan.”

“Mahal pa rin kita,” ang giit mo.

“I love you, too. But this is goodbye. For real.”

At bago ka pa nakapagsalita, tumalikod na ako. Ganoon ka-abrupt.

Nagmamadali ang aking mga hakbang. Nauwi iyon sa pagtakbo na parang pagtakas sa ating nakaraan.

Bumalik ako sa Mikko’s at muling uminom. Pinayapa ako ng Mindoro Sling at inalo ng “Firework” ni Katy Perry. Nagsimula akong sumayaw.

At sa likod ng umiindayog na mga katawan at umaalimbukay na usok, namataan ko siya. Isang maulap na imahe na nakangiti sa akin. Isang magandang pangitain upang malimot kita.

Nilapitan ko siya.

Bigla ang naging bayo ng kaba sa dibdib ko nang magtama ang aming mga mata.