Thursday, June 30, 2011

Mga Kuwentong Patikim

Muli, may mga nahalungkat ako sa aking baul. Tatlong kuwentong sinimulan kong sulatin subalit hindi ko na naipagpatuloy. Nanghihinayang akong itapon kaya heto, pinagsama-sama ko para sa isang post. Paumanhin, sapagkat tiyak na kayo ay mabibitin.

Isipin n’yo na lang na preview ang mga ito dahil balang araw, baka sipagin akong magdugtong. Maaari n’yo ring sabihin sa akin kung alin sa mga ito ang nais n’yong mabasa nang kumpleto.

===



TIFFANY

Sana naka-high heels ako. O naka-boots. Habang nakikipaghabulan sa suspect. Bagay na bagay sana ito sa suot kong skinny jeans at bolero jacket.

Sana mahaba rin ang buhok ko at may hawak akong baril. Ang fierce! Parang si Lucy Liu sa Charlie’s Angels.

Ini-imagine ko na lang na ume-echo ang takong ko sa semento ng ruins na kung saan tumakbo ang hinahabol namin. Madilim ang abandonadong building at habang pinapasok ko ito, nakikipag-unahan sa mga hakbang ko ang tibok ng aking puso.

Ako nga pala si Stefanio a.k.a. Tiffany. Hindi ako policewoman o detective o secret agent. Isa akong salon owner slash impersonator slash drag queen. Never kong naisip na matatagpuan ko ang sarili ko sa ganitong sitwasyon.

Ano nga ba ang ginagawa ko at nasa gitna ako ngayon ng isang police operation?

***

It was my moment to shine sa comedy videoke bar na kung saan ako nagpe-perform kada T-Th. Ako si Donna Summer nang gabing iyon. Fully made-up. Naka-wig. Naka-gown. Naka-boa feathers.

Nakatalikod muna ako at dahan-dahang humarap habang nag-e-emote sa mabagal na simula ng “Last Dance”. At nang nasa parteng mabilis na, sinabayan ko na ng pag-indak ang pagli-lipsynch.

Palakpakan ang mga tao kaya ginanahan ako. Sa mga ganitong pagkakataon, nakakalimot ako. Pakiramdam ko, babaeng-babae ako at ako mismo ang karakter na ini-impersonate ko.

===



WET SUMMER

Sabi sa forecast, magiging maulan daw ang summer. Tama ang PAGASA, dahil sa kasagsagan ng Abril, hinahaplit ng malakas na ulan ang kinalululanan ko patungo sa isla. Malakas din ang alon na sumisiklot-siklot sa bangka. Mahigpit ang kapit ko sa aking lifevest habang pinaglalabanan ang pangamba.

Nitong mga huling araw, parang maunos na panahon din ang aking pinagdaanan habang bumubuo ng pasya. Hinaplit din ako ng mga emosyon at siniklot-siklot ng mga agam-agam. Tanging matibay na resolve ang kinapitan upang mapaglabanan ang takot na magkamali at magsisi.

Subalit nagawa ko ang dapat gawin. Hiniwalayan ko si Stephen. Pagkaraan ng mahabang panahon ng pagtitiis at pagkukunwari.

At ngayong malaya na ako, wala nang dahilan upang layuan ko si Xavier. Na sa gitna ng aking pag-iisa at pangungulila ay muling nagparamdam at gustong makipagkita pagkalipas ng isang taon mula nang kami ay magkakilala.

Summer din noon, sa parehong isla na sa kabila ng masungit na panahon ay buong tapang kong pinagsusumikapang marating ngayon.

***

It was a festive summer, noong nakaraang taon, nang magpunta kami sa isla ng mga kaibigan ko. Partner-partner kami dapat, kasama ang mga boyfriends. Subalit typical of my boyfriend Stephen na second priority ako lagi, nag-back-out siya dahil bigla nilang naisipang mag-Hong Kong ng kanyang mga kabarkada. Kahit wala na akong partner, sumama pa rin ako sa isla dahil nakapag-commit na ako. At nangyari nga ang pinangagambahan kong ma-OP.

Isang gabi na romantic ang atmosphere sa beach, humiwalay ako sa grupo. Naghihimutok ako at nalulungkot, naaawa sa sarili dahil muli ko na namang nadama ang pagkukulang sa akin ni Stephen. Na inilagay niya na naman ako sa isang sitwasyon na hindi ko maiwasang mag-isip at magtanong kung tama ba na palagi ko na lang siyang inuunawa at pinagbibigyan kahit na palagi niya akong sinasaktan. Hindi iyon ang unang pagkakataon na nadama ko na parang wala ring kabuluhan ang aming relasyon.

Naglakad-lakad ako sa pampang at bago ko namalayan, napalayo na pala ako. At doon sa may batuhan na tahimik at malayo sa mga bar, naupo ako at nagmuni-muni. Bakit pakiramdam ko, for the past three years na naging kami ni Stephen ay parang bibihira akong naging masaya? Na kung susumahin, parang mas marami pa ang sama ng loob na idinulot niya sa akin. Katulad ng pagbalewala niya sa lakad na ito na matagal nang nakaplano. Na para bang wala siyang pakialam, mag-isa man ako. Mahal niya nga ba ako? At mahal ko ba talaga siya?

Naghahanap pa rin ako ng sagot sa aking mga tanong nang agawin ang aking pansin ng isang lalaking naglalakad papalapit sa aking kinaroroonan. Hindi ako tuminag habang pinagmamasdan ko ang kanyang kabuuan. Matangkad. Matipuno ang dibdib. Balingkinitan ang katawan.

Huminto siya sa di-kalayuan. At sa tama ng liwanag ng buwan, naaninag ko ang kanyang mukha. Guwapo siya.

Tuluyan na akong na-distract ng presence niya. Nagkukunwari man akong unaffected, hindi ko pa rin maiwasang sumulyap-sulyap sa kanya.

At sa isang pagsulyap ko, sinalubong niya ang aking mga mata. Sa halip na umiwas, hinayaan kong magtagpo ang aming mga titig. Hinagod namin ng tingin ang isa’t isa.

===



SECRETS

Pagdating ni Adrian sa probinsiya ng kanyang ama, sinalubong siya ng kanyang mga tiyuhin at tiyahin, pati na ng kanyang mga pinsan sa terminal ng bus. Nang huli siyang mapunta roon, maliit pa siya at halos wala pang muwang. At taliwas sa kanyang naaalala, higit palang maganda ang lugar na iyon.

Nagpunta siya sa San Martin dahil sa kasal ng kanyang tiyahin na bunsong kapatid ng kanyang ama. Nasa ibang bansa ang kanyang ama at dahil hindi makapag-leave sa trabaho ang kanyang ina, siya ang naatasang kumatawan sa kanilang pamilya. At dahil summer naman at wala siyang pasok, pumayag siya dahil gusto niya ring magbakasyon. At makalimot. Dahil bago nagsara ang klase, nag-break sila ni Gerard.

Mainit ang naging pagtanggap sa kanya ng kanyang mga kamag-anak. Nakilala niya ang tiyahin niyang ikakasal, si Rosario na halos hindi nagkakalayo ang kanilang edad dahil bente-dos anyos lamang ito at siya naman ay disiotso. Nakilala niya rin ang nakatatandang kapatid ng kanyang ama, si Dolores na sinasabing nag-alaga sa kanya noong huling bumisita sila rito. Dito niya piniling tumuloy dahil matandang dalaga ito at mag-isa lang sa bahay.

Medyo malayo sa mga kamag-anakan ang bahay ni Dolores. Kinailangan pa nilang bumiyahe sakay ng jeep sa baku-bakong daan upang marating iyon. Subalit namangha siya pagkakita sa bahay ni Dolores dahil hindi ito pangkaraniwan. Tila inukit ito sa gilid ng bundok at nayuyongyungan ng mga puno. Malalaki ang mga bintana na nakukurtinahan ng mga pinagtuhug-tuhog na shells. Ang dalawang palapag na bahay ay may veranda sa itaas na nakaharap sa dagat at mistulang bahay-bakasyunan.

“Nagustuhan mo ba ang bahay ko?” ang tanong ni Dolores.

“Nagustuhan?” ang sagot niya. “Pwede bang ampunin mo na lang ako, Tiyang, para dito na ako tumira habambuhay?”

Natawa si Dolores sa sagot niya. Pinagmasdan niya ang tiyahin at nakita niya na sa kabila ng pagiging mas matanda nito sa tatay niya, maganda pa rin ito at mukhang bata sa edad na kuwarenta y dos. Sa kabila ng pagtira sa probinsiya, makikita mong hindi nito pinababayaan ang sarili at maayos ito maging sa pananamit.

Hindi na nagtaka si Adrian kung bakit naiiba ang bahay ni Dolores. Dahil alam niya na sa magkakapatid, naiiba rin ito. Matagal niya nang naririnig sa kanyang ama na si Dolores ang black sheep ng pamilya. Moderno ang pananaw nito at madalas sumuway sa mga magulang nila. Kahit tutol ang ama, nag-abroad ito. At pagkaraang mamalagi nang matagal sa ibang bansa, umuwi ito sa hindi malamang kadahilanan at pumirmi sa probinsiya. Nagpatayo ng sariling bahay at namuhay mag-isa. Sa kabila ng maraming manliligaw, nanatili itong dalaga hanggang sa tumanda.

Sa kabila ng mga kuwento ng pagiging kakaiba ng kanyang Tiya Dolores, magaan ang loob niya rito. Siguro dahil alam niyang bukas ang isipan nito. At sa isang katulad niya na kakaiba rin dahil sa kasarian niya, pakiramdam niya, may pagkakapareho sila. At sakali mang malaman nito ang lihim niya, naniniwala siyang maiintindihan siya nito.

“Gusto mo bang mag-swimming?” ang tanong ni Dolores.

“Nabasa mo ang nasa isip ko,” ang sagot ni Adrian.

“Huwag mong kalilimutang mag-sunblock. Napakakinis pa naman ng iyong balat.”

Natigilan siya sa sinabi ng kanyang tiyahin.

“Alagaan mo na ang kutis mo habang bata ka pa. Ano bang cream ang ginagamit mo?”

Gusto niyang malaglag sa kanyang kinauupuan. Dahil sa tanong na iyon, napag-isip siya: alam na ba nito kung ano siya?

Umiwas siya. Hindi iyon ang tamang panahon para sa pangungumpisal niya.

“Magbibihis muna ako, Tiyang.”

“O, sige. Ipaghahanda kita ng meryenda.”

Pumasok na siya sa silid.

Nang magpapalit na siya ng panligo, saka niya napansin na ang nadala niyang swimming trunks ay ang regalo sa kanya ni Gerard. Hindi niya naiwasang muling maisip ang ex-boyfriend. Nagbalik sa kanyang alaala ang tagpong iyon ng kanilang pagkakasira.

***

Alalang-alala siya noon kay Gerard dahil may sakit ito kaya umabsent siya sa last period at umuwi nang maaga sa boarding house nila. May dala pa siyang pagkain at gamot.

Subalit nagulat siya sa kanyang dinatnan.

Katabi ni Gerard sa kama si Yvonne, ang boardmate nila na may matinding crush dito. Magkayakap na natutulog ang dalawa. Nakadamit naman pareho pero malay ba niya kung katatapos lang nitong mag-ano.

Saklot man ng galit at panibugho ang kanyang puso, tinimpi niya pa rin ang kanyang emosyon. Dahan-dahan siyang pumasok sa silid, inilapag ang pagkain at gamot sa mesa, binuksan ang cabinet, kinuha ang kanyang maleta at tahimik siyang nag-impake.

Tapos na siyang ayusin ang mga gamit nang sabay na magising ang dalawa. Nagulat si Gerard pagkakita sa kanya. Gayundin si Yvonne. Kaagad na nagkalas sa pagkakayakap ang dalawa.

Hindi siya nagsalita subalit matalim at nanunumbat ang kanyang mga mata.

“It’s not what you think,” ang sabi ni Gerard. “Let me explain.”

Tahimik si Yvonne na hindi niya alam kung dahil sa sindak o sa pagdiriwang ng kalooban.

Tumayo siya, binitbit ang kanyang mga gamit at dumiretso sa pinto.

“Adrian, saan ka pupunta?”

“Tapos na sa atin ang lahat, Gerard. This is goodbye.”

Pinihit niya ang seradura ng pinto at tuluyan na siyang lumabas.

Hindi siya hinabol ni Gerard.

At nang nasa taksi na siya, saka siya napahagulgol ng iyak.

***

Nakahiga siya sa beach at hindi maiwasang muli ay bagabagin siya ng alaala ni Gerard. Naiisip niya na hindi man lang sila nakapag-usap pagkatapos ng insidenteng iyon. Magtatapos na kasi ang school year at pareho na silang naging abala sa finals. At saka umiwas din siya. Pati sim card, nagpalit siya. Ayaw niya kasing makipag-usap dahil baka kung anu-anong masasakit na salita lang ang masabi niya.

Pero aaminin niya, mahal niya pa rin si Gerard at nami-miss niya ito. Sa mga ganitong pagkakataon na napakaganda ng kapaligiran, nawi-wish niya na sana magkasama sila.

Napabuntonghininga siya. Tama ba ang ginawa niya? Ang talikuran ito na hindi niya man lang binigyan ng pagkakataong makapagpaliwanag? Heto na naman siya, pinagdududahan ang kanyang naging pasya. Bakit hindi niya na lang kalimutan si Gerard? Sinaktan siya nito. Pinagtaksilan. Huling-huli niya.

Pumikit siya, mariin. Pilit niyang kinaklaro ang kanyang isip. Pinakinggan niya ang hampas ng mga alon sa dalampasigan. Dinama niya ang ihip ng hangin. Nakadama siya ng kapanatagan.

Unti-unti na siyang hinihila ng pagkakaidlip nang maramdaman niya na may taong nakatayo malapit sa kanyang kinahihigaan.

Dahan-dahan siyang nagmulat.

Naroroon ang isang lalaki. Makisig. Maskulado. Hubad-baro. Bata pa ito at sa tantiya niya ay ilang taon lang ang tanda nito sa kanya.

Sandaling tumigil ang tibok ng kanyang puso at siya ay napasinghap. Nananaginip ba siya?

Ang lalaking nakatunghay sa kanya ay kamukhang-kamukha ni Gerard!

Napabalikwas siya. Subalit bago pa man siya nakapagsalita ay tumalikod na ang lalaki at humakbang palayo sa kanya. Hinabol niya ito ng tingin habang duda pa rin kung namamalikmata lamang siya.

Ganoon ba niya ka-miss si Gerard kung kaya nakikita niya ang mukha nito sa iba?

***

Subalit bandang dapithapon, natiyak niya na hindi siya pinaglalaruan ng kanyang guni-guni.

Pagdungaw niya mula sa veranda ng bahay, muli niyang nakita ang lalaki. Kausap ito ni Dolores sa may gate. Nag-aagaw man ang dilim at liwanag, hindi niya maipagkakamali ang features nito na pamilyar na pamilyar sa kanya.

Nagmamadali siyang bumaba upang mapagmasdan ito nang malapitan. Subalit bago pa man niya narating ang gate, papaalis na ito. Muli, wala siyang nagawa kundi habulin ng tingin ang paglayo nito.

“Tiyang, sino ‘yun?” ang tanong niya.

“Si Lucas.”

Gusto niya pa sanang magtanong tungkol sa lalaki subalit tumalikod na si Dolores upang bumalik sa bahay.

Nang gabing iyon, binagabag siya ng imahe ni Lucas. Hindi ito mawala sa kanyang isip.

Siguro dahil kamukha ito ni Gerard.

Subalit nang paligayahin niya ang kanyang sarili – oo nga at mukha ni Gerard ang nasa kanyang isip – ang maskuladong katawan ni Lucas ang kinatalik niya sa kanyang imahinasyon!

14 comments:

Angel said...

nakakabitin nga... bet ko lahat... ehehe

JJRodz said...

i think you have to complete all of it...

JJRod'z

Seriously Funny said...

Sana tapusin mo rin ang mga ito! Maganda ang simula nung dalawa. Hahaha.

Pero syempre, after nang matapos ang Plantation Resort. Hihihi!

Wave said...

LAHAT!! ahahaha. :D

Lester David said...

nakaka hiya man, pero pwede bang tapusin mo lahat aris?hahahaha :))

Sean said...

para sa akin din, lahat. hahaha!

Jhamy whoops! said...

hay saket ka talaga sa puson.. lol,, bet ko lahat so more more kwento..go!

Anonymous said...

Aris, Aris, sa kabibitin mo malapit na kong mabikti pero kahit sisinghap-singhap na ako matiyaga kong pa ring aabagan ang mga susunod na kabata because you rock my friend.

wastedpup said...

bitin nga lahat. hehehe. tama ang paunawa mo. hehehe
sana masundan ang WET SUMMER at SECRETS. interesting kasi ang takbo ng kwento. :))

theo said...

nice po!!....kakabitin yung SECRETS

Aris said...

@angel, jjrodz, seriously funny, wave, nicos, sean, jhamy whoops!, anonymous, wasted pup:

hello, my dear friends. salamat sa inyong pagtitiyaga na basahin ang kapos na mga kuwentong ito. salamat din sa inyong mga comments kahit na nabitin kayo. i feel so loved dahil sa ginawa ninyo. hehe!

anyways, kaya ko pinost ang mga ito ay para maengganyo ako na ipagpatuloy ang pagsusulat sa mga ito. seeing these unfinished stories posted in my blog will encourage and inspire me na tapusin ang mga ito. at doble inspirasyon dahil alam kong interesado rin kayo. i will finish these stories soon. :)

Aris said...

@theo: hi theo. huwag kang mag-alala, dudugtungan natin yan para di ka mabitin. abangan! :)

citybuoy said...

Gusto ko yung una! Ang ganda kasi ng set-up. Pano siya napunta dun?!

Nakakainis. Sabi ko pa naman, ano ba tong intro ni Aris. Di naman ako mabibitin. Tapos eto ako, nagmamakaawang ituloy mo ang kwento. haha

Aris said...

@citybuoy: para sa'yo, itutuloy ko ang kuwento. malakas ka sa akin eh. hehe! abangan mo na lang. :)