“Dito ko rin kayo nakita noon ni Leandro,” ang sabi ni Alberto.
Hupa na ang init at magkatabi silang nakahiga sa malapad na bato, kapwa hapo.
Hindi tuminag si Miguelito at hindi rin tumugon.
“Higit pa ba sa nakita ko ang itinuro niya sa’yo?” ang kanyang tanong.
Tumingin sa kanya si Miguelito, mataman, bago nagsalita.
“Oo,” ang sagot na pumukaw sa kuryusidad niya.
Siya naman ang napatingin dito.
“May ipagtatapat ako sa’yo,” ang sabi pa ni Miguelito.
Nanatili siyang tahimik at nakikinig.
“Nagkaroon kami ng ugnayan ni Leandro.”
Hindi siya nagulat subalit nakadama ng panibugho. Hinayaan niyang magpatuloy si Miguelito.
“Noong makita mo kami sa batuhang ito, iyon ang naging simula. Akala ko, laro-laro lang iyon subalit pagbalik namin sa Maynila, nagpatuloy iyon. At hindi nanatiling ganoon.”
Patuloy siyang nakikinig.
“Marami siyang itinuro sa akin. Maraming ginawa. At ako ay naging masunurin at mapagpaubaya. Naging madalas ang aming pagtatalik. Hanggang sa dumating ang panahon na inakala kong kami na.”
Patuloy ang paggapang ng panibugho sa puso ni Alberto at hindi niya ito mapigil.
“Subalit nagkamali ako.”
“Bakit… ano’ng nangyari?” Hindi niya rin mapigil ang kanyang kuryusidad sa kabila ng panibugho.
“Nagkolehiyo siya – dalawang taon ang tanda niya sa akin – at nakilala niya si Henry, kapwa niya manlalaro sa soccer team. Dumalang ang aming pagkikita at nagsimula siyang manlamig.”
Bumangon si Miguelito at naupo. Gayundin ang kanyang ginawa, titig na titig siya rito, puno ng antisipasyon sa karugtong ng kuwento.
Saglit na patlang bago muling nagpatuloy ito.
“Isang araw, ipinagpasya kong siya ay kausapin. Dahil iisa pa rin ang unibersidad na pinapasukan namin, naghintay ako pagkatapos ng kanilang laro. Subalit nakalabas na ng locker room ang lahat ng players, wala pa rin siya. At si Henry.”
Binulabog sila ng biglaang paglipad ng mga ibon at mga kaluskos sa halamanan. Napasulyap sila sa lugar na pinanggalingan niyon. Subalit dahil sa pinag-uusapan, hindi na nila pinagkaabalahang siyasatin pa iyon at binalewala na lamang.
“Pinuntahan ko sila sa locker room. Pumasok ako nang dahan-dahan. Hindi ko alam kung bakit kinakabahan ako. Siguro dahil natatakot ako sa maaari kong matuklasan.
“Tahimik sa loob. Ingat na ingat akong huwag lumikha ng ingay. Hinanap ko siya… sila ni Henry… sa likod ng mga hilera ng lockers. Wala sila. Wala ring ibang tao roon.
“Lalabas na sana ako nang marinig ko ang lagaslas ng tubig sa shower. Tinungo ko ang pinanggagalingan niyon. At sa nakaawang na pinto ng cubicle, sumilip ako.
“Nakita ko sila. Sina Leandro at Henry… hubo’t hubad… dinadaluyan ng tubig ang mga katawan. May ginagawa si Leandro kay Henry… katulad ng ginagawa niya sa akin.
“Hindi ako nagulat. Siguro dahil may kutob na ako na iyon ang aking madaratnan. Sa halip, pinanood ko sila. Wala silang kamalay-malay.
“Maya-maya, umalis na ako. Humihingal ako nang makalabas. Hindi dahil sa aking natuklasan kundi dahil sa kakaibang damdaming hatid ng aking nasaksihan.
“Gayunpaman, hindi ako tuluyang umalis. Tumayo ako sa di-kalayuan. Hinintay ko ang kanilang paglabas. May gusto akong tiyakin. Dahil habang pinagmamasdan ko silang nagtatalik, may isang bagay akong napansin.”
Napakunot-noo si Alberto. “Ano ‘yun?”
“Na malaki ang pagkakahawig ni Henry sa’yo. Na magkamukha kayo!”
“Ha?”
Nagpatuloy si Miguelito. “Hindi nagtagal, lumabas na rin sila. Nag-uusap at nagtatawanan pa. Parang walang nangyari. At habang naglalakad sila papalapit sa kinaroroonan ko – hindi nila alam na nakamasid ako dahil nakakubli ako – napatunayan ko na hindi ako nagkamali ng tingin. Magkahawig nga kayo ni Henry. Sa mata, sa ilong, sa ngiti. Pati sa kulay at sa kilos. Kung pagtatabihin kayo, mapagkakamalan kayong magkapatid.”
Nakikinig lang si Alberto, aliw sa bahaging iyon ng kuwento.
“Kinumpronta ko si Leandro – nakaalis na noon si Henry – at hindi niya itinanggi na may namamagitan sa kanila.
“Binanggit ko ang napansin kong pagkakahawig ni Henry sa’yo. Napansin mo rin pala, ang kanyang sagot.
“At nagulat ako sa sumunod niyang sinabi. Na kaya niya nagustuhan si Henry ay dahil kahawig mo siya!”
“Ano?”
“Inamin niya sa akin na unang kita niya sa’yo, nagkagusto na siya. Itinanggi niya iyon sa kanyang sarili, kaya binully-bully ka niya. Tinukso ng bakla. Pero ang totoo, sarili niya ang kanyang tinutukso dahil hindi niya iyon matanggap. Selos din siya sa nakita niyang pagiging malapit natin sa isa’t isa.
“Hindi nawala ang pagtingin niya sa’yo kahit nakabalik na kami ng Maynila. At dahil ako ang naroroon, sa akin niya ibinaling iyon. Sa akin niya ginawa ang mga bagay na gusto niyang gawin sa’yo. Sinubukan niya akong mahalin na katulad ng kung paano ka niya mamahalin. Hanggang sa dumating nga sa buhay niya si Henry.
“Si Henry ang naging tugon sa pagkahumaling niya sa’yo. Kay Henry niya natagpuan ang katauhan mo na hindi niya nahanap sa akin.”
Si Leandro, nahumaling sa kanya? Hindi makapaniwala si Alberto.
“Nakipaghiwalay siya sa akin kahit wala kaming pormal na relasyon. Mahal niya na si Henry at hindi niya ako mahal. Hinanap ko ang masaktan subalit hindi ko iyon naramdaman.”
Saglit na tumigil si Miguelito, inapuhap ng tingin si Alberto bago nagpatuloy.
“Nang makita ko si Henry, may biglang ipinaalala sa akin ang pagkakahawig niya sa’yo… at nagkaroon ako ng realisasyon.
“Na hindi ko rin mahal si Leandro… na ginawa ko rin siyang substitute.
“Dahil pareho kami… na ang minamahal ay ang kahawig ni Henry. Ikaw yun, Alberto. Na nakalimot man ako, nanatili sa aking puso.”
Hindi makapagsalita si Alberto.
“Mula pagkabata, ikaw na ang minahal ko. Patawarin mo ako kung naligaw muna ako bago ko muling natutunan ang landas pabalik sa’yo.”
Ang bilis ng tibok ng puso niya, para siyang hindi makahinga.
“Mahal kita, Alberto. Mahal mo rin ba ako?”
Gumaralgal man ang tinig, tiyak pa rin ang kanyang sagot. “Oo. Noon pa man. Hanggang ngayon.”
Ngumiti si Miguelito, titig na titig sa kanya. “Ako rin, Alberto. Ako rin,” ang bulong.
At pagkatapos ay niyakap siya nito.
Nagtagpo ang kanilang mga labi.
At muli silang idinuyan ng nag-uumapaw na kaligayahan.
***
Linggo ng Pagkabuhay, humuhugos ang mga tao sa plantasyon patungong simbahan nang patabihin sila ng mga busina ng kotse ni Don Miguel.
Dahan-dahan itong humawi sa gitna ng daan at nakita ni Alberto na sakay nito sina Don Miguel at Miguelito na sa simbahan din ang tungo.
Kaagad siyang nakita ni Miguelito at kinawayan.
Kumaway din siya, nakangiti. Masayang-masaya siya na makita ito dahil may unawaan na nga sila. Subalit pinigil niya ang mga kilos dahil baka makahalata ang kanyang ina na kasama niyang naglalakad.
Napakarami ng mga taong nagtungo sa simbahan upang saksihan ang Salubong. Ang Salubong ay ang pagtatagpo ng mga imahen ng nagluluksang Birheng Maria at ng nabuhay na Hesukristo.
Isang kastilyong gawa sa kahoy ang itinayo sa bakuran ng simbahan. May mataas na silong at butas sa sahig na kung saan doon ibinaba ang mga batang naka-harness at nakasuot-anghel na nag-unahan sa pagtanggal sa belong itim na tumatakip sa mukha ng Birheng Maria upang “ipakita” si Hesukristo.
Mala-pista ang okasyong iyon na kulminasyon ng Mahal na Araw kaya dinadagsa ng mga tao. Kasunod ng Salubong ay ang pagdiriwang ng misa.
Sa loob ng simbahan ay nakahiwalay ang mga may sinasabing tao sa pangkaraniwan. Sa harap, sa mga unang hilera ng upuan, ay naroroon ang mga mayayaman (na kinabibilangan nina Don Miguel at Miguelito) at ang mga opisyal ng kanilang bayan. Ang mga ordinaryong mamamayan ay nasa likod, nagsisiksikan, nakatayo, naiinitan.
Habang nagaganap ang misa, hindi iyon pansin ni Alberto – ang agwat ng mga mayayaman at mahihirap – na kung tutuusin ay agwat din nila ni Miguelito. Wala iyong kabuluhan sa kanya basta't nagmamahalan sila.
At kung mayroon man siyang ipinagdarasal, iyon ay ang huwag na silang magkahiwalay pa. Kahit kailan. Kung maaari lang. Sana.
(Itutuloy)
Part 12
17 comments:
wow.. grabe ang love story.. asan na ang susunod?? :D
abangan ko ang next episode! hehehe
kambal si Alberto at Henry!!! haha parang is coco martin na rebelde at militar lang :p
nice...
maganda...
lumalabas ang iyong pagiging makata, aris.... hehheheh
next chap pls.
salamat dito.
-mars
kaabang abang na naman.galing!
LIKE!
Hmmm. Anu o sino ang nagpahiwalay sa kanila? Aabangan k0... Hanggang sa Next chapter!
Ang ganda pa rin! Gosh, nalungkot at natuwa ako at the same time. Nalungkot dahil sa ikinuwento ni Miguelito. Pero natuwa dahil nagtapat na sila ng pagmamahalan sa isa't isa!
Wapak! Tagos sa puso ang chapter na to.
good job....
nakaka-inspire ang kwento. sana may ganyan pa sa totoong buhay hahahaha.
Tila yata may nagbanbantang unos sa relasyong ito. Abangan ang susunod na kabanata..........
Feeling ko din eh Kambal si Henry at Alberto. Hehe! Good job Aris! Keep it up :)
sana may ORGY na maganap kina Alberto, Miguelito, Leandro at Henry!
jowk lng.
@jhamy whoops!: ginagawa ko na ngayon. will post it soon. :)
@fox: thanks, dadi fox, sa patuloy na pagsubaybay. :)
@rygel: hmmm... secret. basta subaybayan mo na lang. hehe! :)
@mars: sure, basta ikaw. pagagandahin ko pa para sa'yo. :)
@jay rulez: thanks, jay. sana palagi kang mag-enjoy sa bawat chapter. :)
@wastedpup: hmmm...good question. malalaman ntin ang kasagutan soon! :)
@seriously funny: salamat sa patuloy na appreciation. kaka-inspire naman kapag ganito. :)
@arnel: sarap talagang ma-in love noh? hehe! :)
@theo: thanks, theo. balik ka ha? :)
@rain darwin: meron pa, papa p. medyo mahirap lang hanapin. hehe!:)
@anonymous: hmmm... i am not yet telling. tama, abangan na lang natin. hehe! :)
@anonymous: basta, surprise na lang. :)
@rain darwin: hmmm... magandang idea yan, papa p. tingnan na lang natin kung puwede. hehe! :)
Post a Comment