Sunday, May 26, 2013

San Marino Summer 2

Mainit ang naging pagtanggap ng mga kamag-anak na sumalubong kay Adrian.  Kaagad siyang dinala sa ancestral house na kung saan nakahanda ang isang masaganang tanghalian. Halos naroroon ang kanilang buong angkan – mga lolo, lola, tiyuhin, tiyahin at mga pinsan – upang siya ay i-welcome.

Nakilala niya ang tiyahin niyang ikakasal, si Rosario, na halos hindi nagkakalayo ang kanilang edad dahil bente-dos anyos lamang ito. Nakilala niya rin ang nakatatandang kapatid ng kanyang ama, si Dolores na sinasabing nag-alaga sa kanya noong huling bumisita sila dito.

Magaan kaagad ang loob niya kay Dolores. Dama niya ang pagka-free-spirited nito. Hindi kagaya ng iba niyang mga tiyahin na medyo mahiyain, napaka-bubbly nito at siya ay asikasong-asikaso.

Napag-alaman niya na hindi sa ancestral house nakatira si Dolores. Mayroon itong sariling bahay sa tabing dagat. Dito niya piniling tumuloy dahil gusto niyang mapalapit sa dagat. Natuwa si Dolores dahil matandang dalaga ito at mag-isa lang sa bahay.

Pagkapananghali ay kaagad na silang nagpaalam. Medyo malayo sa mga kamag-anakan ang bahay ni Dolores. Kinailangan pa nilang bumiyahe sakay ng owner-type jeep. Nadaanan nila ang tinatawag na Long Beach, ang tourist area na kung saan naroroon ang concentration ng mga resort, bar at restaurant. Naisip niya si Dave na nang mga sandaling iyon marahil ay nakahanap na nang matutuluyan.

Ilang sandali pa ay lumiko na sila sa isang niyugan, nilandas nila ang isang baku-bakong daan at maya-maya pa ay tumambad sa kanila ang isang cove na kung saan sa gilid ng bundok ay naroroon at tila inukit ang isang bahay na gawa sa native materials – kawayan, pawid at sawali. Di pangkaraniwan dahil ito ay built-around sa natural na kapaligiran.  Malalaki ang mga bintana na nakukurtinahan ng mga pinagtuhug-tuhog na kabibe. Ang dalawang palapag na bahay ay may veranda sa itaas na nakaharap sa dagat at mistulang bahay-bakasyunan.

“Nagustuhan mo ba ang bahay ko?” ang tanong ni Dolores nang makapasok na sila sa loob.

“Sobrang ganda, Tiyang,” ang sagot niya. “Maaari na akong tumira rito habang-buhay.”

Natawa si Dolores sa sagot niya. “Eksaherado ka naman.”

“Serious ako, Tiyang. Ganito ang dream house ko.”

“Mabo-bore ka lang dito kinalaunan.”

“Bakit, ikaw, Tiyang, nabo-bore ka ba rito?”

“Hindi naman. Nasanay na ako.”

Pinagmasdan niya ang tiyahin at nakita niya na sa kabila ng pagiging mas matanda nito sa kanyang tatay, maganda pa rin ito at mukhang bata sa edad na kuwarenta y dos. Sa kabila ng pagtira sa probinsiya, makikita mong hindi nito pinababayaan ang sarili at maayos ito maging sa pananamit.

Hindi na nagtaka si Adrian kung bakit naiiba ang bahay ni Dolores. Dahil alam niya na sa magkakapatid, naiiba rin ito. Matagal niya nang naririnig sa kanyang ama na si Dolores ang black sheep ng pamilya. Moderno ang pananaw nito at madalas sumuway sa mga magulang nila noon. Kahit tutol ang ama, nag-abroad ito. At pagkaraang mamalagi nang matagal sa ibang bansa, umuwi ito at pumirmi na sa probinsiya. Nagpatayo ng sariling bahay at namuhay mag-isa. Sa kabila ng maraming manliligaw, nanatili itong dalaga hanggang sa tumanda.

Sa kabila ng mga kuwento ng pagiging kakaiba ng kanyang Tiya Dolores, magaan ang loob niya rito. Siguro dahil alam niyang bukas ang isipan nito. At sa isang katulad niya na kakaiba rin dahil sa kasarian niya, pakiramdam niya, may pagkakapareho sila. At sakali mang malaman nito ang lihim niya, naniniwala siyang maiintindihan siya nito.

“Magsu-swimming ka ba?” ang tanong ni Dolores.

“Opo, Tiyang,” ang sagot ni Adrian.

“Huwag mong kalilimutang mag-sunblock. Napakakinis pa naman ng iyong balat.”

Natigilan siya sa sinabi ng kanyang tiyahin.

“Alagaan mo na ang kutis mo habang bata ka pa. Ano bang cream ang gamit mo?”

Gusto niyang malaglag sa kanyang kinauupuan. Dahil sa tanong na iyon, napag-isip siya: alam na ba nito kung ano siya?

Umiwas siya. Hindi iyon ang tamang panahon para sa pangungumpisal niya.

“Magbibihis muna ako, Tiyang.”

“O, sige. Ipaghahanda kita ng meryenda.”

Pumasok na siya sa silid.

Nang magpapalit na siya ng panligo, saka niya napansin na ang nadala niyang swimming trunks ay ang regalo sa kanya ni Gerard. Hindi niya naiwasang muling maisip ang ex-boyfriend. Nagbalik sa kanyang alaala ang tagpong iyon ng kanilang pagkakasira.

***

Alalang-alala siya noon kay Gerard dahil may sakit ito kaya umabsent siya sa huling subject niya at umuwi nang maaga sa boarding house nila. May dala pa siyang pagkain at gamot.

Subalit nagulat siya sa kanyang dinatnan.

Katabi ni Gerard sa kama si Yvonne, ang boardmate nila na may matinding crush dito. Magkayakap na natutulog ang dalawa. Nakadamit naman pareho pero malay ba niya kung katatapos lang nitong mag-ano.

Saklot man ng galit at panibugho ang kanyang puso, tinimpi niya pa rin ang kanyang emosyon. Dahan-dahan siyang pumasok sa silid, inilapag ang pagkain at gamot sa mesa, binuksan ang cabinet, kinuha ang kanyang maleta at tahimik siyang nag-impake.

Tapos na siyang ayusin ang mga gamit nang sabay na magising ang dalawa. Nagulat si Gerard pagkakita sa kanya. Gayundin si Yvonne. Kaagad na nagkalas sa pagkakayakap ang mga ito.

Hindi siya nagsalita subalit matalim at nanunumbat ang kanyang mga mata.

“It’s not what you think,” ang sabi ni Gerard. “Let me explain.”

Tahimik si Yvonne na hindi niya alam kung dahil sa sindak o sa pagdiriwang ng kalooban.

Tumayo siya, binitbit ang kanyang mga gamit at dumiretso sa pinto.

“Adrian, saan ka pupunta?”

“Tapos na sa atin ang lahat, Gerard. This is goodbye.”

Pinihit niya ang seradura ng pinto at tuluyan na siyang lumabas.

Hindi siya hinabol ni Gerard. 

At nang nasa taksi na siya, saka siya napaiyak. 

(Itutuloy)

Part 3

No comments: