Wednesday, May 29, 2013

San Marino Summer 3

Nakahiga siya sa beach at hindi maiwasang muli ay bagabagin siya ng alaala ni Gerard. Naiisip niya na hindi man lang sila nakapag-usap pagkatapos ng insidenteng iyon. Magtatapos na kasi ang school year at pareho na silang naging abala sa finals. At saka umiwas din siya. Pati sim card, nagpalit siya. Ayaw niya kasing makipag-usap dahil baka kung anu-anong masasakit na salita lang ang masabi niya.

Pero aaminin niya, mahal niya pa rin si Gerard at nami-miss niya. Sa mga ganitong pagkakataon na napakaganda ng kapaligiran, nawi-wish niya na sana magkasama sila.

Napabuntonghininga siya. Tama ba ang ginawa niya? Ang talikuran ito na hindi niya man lang binigyan ng pagkakataong makapagpaliwanag? Heto na naman siya, pinagdududahan ang kanyang naging pasya. Bakit hindi niya na lang kalimutan si Gerard? Sinaktan siya nito. Pinagtaksilan. Huling-huli niya.

Pumikit siya, mariin. Pilit niyang kinaklaro ang kanyang isip. Pinakinggan niya ang hampas ng mga alon sa dalampasigan. Dinama niya ang ihip ng hangin. Nakadama siya ng kapanatagan.

Unti-unti na siyang hinihila ng pagkakaidlip nang maramdaman niya na may taong nakatayo malapit sa kanyang kinahihigaan.

Dahan-dahan siyang nagmulat.

Naroroon ang isang lalaki. Makisig. Maskulado. Hubad-baro. Bata pa ito at sa tantiya niya ay ilang taon lang ang tanda sa kanya.

Sandaling tumigil ang tibok ng kanyang puso at siya ay napasinghap. Nananaginip ba siya?

Ang lalaking nakatunghay sa kanya ay kamukhang-kamukha ni Gerard!

Napabalikwas siya. Subalit bago pa man siya nakapagsalita ay tumalikod na ang lalaki at humakbang palayo sa kanya. Hinabol niya ito ng tingin habang duda pa rin kung namamalikmata lamang siya.

Ganoon ba niya ka-miss si Gerard kung kaya nakikita niya ang mukha nito sa iba?


*** 


Bandang dapithapon, natiyak niya na hindi siya pinaglalaruan ng kanyang guni-guni.

Pagdungaw niya mula sa veranda ng bahay, muli niyang nakita ang lalaki. Kausap ito ni Dolores sa may gate. Nag-aagaw man ang dilim at liwanag, hindi niya maipagkakamali ang features nito na pamilyar na pamilyar sa kanya.

Nagmamadali siyang bumaba upang mapagmasdan ito nang malapitan. Subalit bago pa man niya narating ang gate, papaalis na ito. Muli, wala siyang nagawa kundi habulin ng tingin ang paglayo nito.

“Tiyang, sino ‘yun?” ang tanong niya.

“Si Lucas.”

Gusto niya pa sanang magtanong tungkol sa lalaki subalit tumalikod na si Dolores upang bumalik sa bahay.

Nang gabing iyon, binagabag siya ng imahe ni Lucas. Hindi ito mawala sa kanyang isip.

Siguro dahil kamukha ito ni Gerard.

Subalit nang paligayahin niya ang kanyang sarili – oo nga at mukha ni Gerard ang nasa kanyang isip – ang maskuladong katawan ni Lucas ang kinatalik niya sa kanyang imahinasyon!

(Itutuloy)

Part 4

2 comments:

Arvin U. de la Peña said...

mahirap kalimutan ng isang girl ang lalaki lalo na kung marami na silang pinagdaanan pero nagkahiwalay pa rin..

Aris said...

@arvin: oo nga. yun nga lang, hindi siya girl. hehe! thanks for dropping by. :)