Friday, December 24, 2010

Pasko

Sa inyo mga kaibigan ko,

Sana ang paskong ito ay maging puno ng pag-asa at inspirasyon upang kamtin natin ang bawat mithiin ng ating puso. Sana ang bagong taon ay maging simula ng higit na mabiyaya, makahulugan at maligayang yugto ng ating buhay.

Nagmamahal,
Aris

Sunday, December 19, 2010

Notes On Bed



Abot na sa kanto ng Nakpil-Orosa ang pila nang magkayayaan na kaming pumasok bandang 1:30 am. Medyo slow ang usad kaya by the time na makarating kami sa pinto, nawala na ang tama ng ininom namin sa Silya.

Five hundred ang entrance fee with 2 drinks (local beer or juice). At hindi ka na lang basta tatatakan pagpasok mo. May ikakabit pa silang paper bracelet sa wrist mo. May separate entrance na ang mga VIPs.

Ang lawak ng floor area. Sinakop na nila ang dating Mafia (na dating Rainbow Project na dating NYC) bukod sa 3 floors na sila. Although yung pangatlong floor, maliit lang na bahagi ng rooftop. Doon lang pwedeng mag-smoke.

Ang liwanag ng lighting. Kita ang mukha ng lahat kaya naman wala nang excuse upang hindi mambati ng mga kakilala. Madali na ring magkahanapan kapag nagkahiwa-hiwalay kayo ng iyong mga kasama.

Ang laki na ng DJ’s booth. Ang laki na rin ng dancefloor pero wala nang ledge. Although may dalawang hugis bilog na platform na kung saan nakasampa ang mga go-go boys.

Ang sound system? Dumadagundong! Super pa rin ang music. May fog machine na nakakagulat ang tunog kapag nagbubuga ng usok (lalo na kapag nakadungaw ka mula sa second floor na kung saan ito naka-install). At ang usok, sa sobrang kapal, nahirapan akong huminga.

Directly above the DJ’s booth (ka-level ng second floor) ay may napakalaking glass window (parang aquarium) and guess what kung ano ang naroroon? A mock bathroom na kung saan may tatlong hunks na naka-trunks ang nagsa-shower! As in, naliligo with real water. Nakakamangha silang panoorin. Nakakabuhay ng damdamin. Subalit sandali lang iyon (mga 30 minutes to 1 hour siguro) at pagkatapos ay tinabingan na ang window ng screen na kung saan naka-project ang video.

Grabe, ang init sa loob! Medyo kapos ang airconditioning system. Pawis na pawis ako kaya I had to look for spots na kung saan bumubuga ang aircon. I discovered na malamig ang mga lugar na kung saan naroroon ang mga couches.

Ang liit na ng restroom sa second floor (1 cubicle, 2 urinals). Wala na ang aquarium divider. At ang naging kapalit ay mirror sa harap ng urinals na konting dukwang mo lang, masisilipan mo na ang umiihi. Kaya siguro pila-pila sa cubicle.

As expected, ang daming cuties! Fresh and new faces. Hindi na nga lang ganoon ka-condusive kumarir dahil sa lighting. Although pwede pa rin naman kung gugustuhin.

I like the new Bed but I prefer the old one.

And frankly, I do not like the new logo. Thai massage ang naiisip ko.

Friday, December 17, 2010

Dove 8

Nag-offer siya na ihatid ako pauwi. Ayoko sana dahil nahihiya akong makita niya ang kalagayan ko sa boarding house. Pero mapilit siya.

Ang boarding house ko ay isang luma at malaking bahay na kinuwarto-kuwarto. Maayos naman ito. Siksikan nga lang kaming mga boarders na halos lahat estudyante dahil malapit sa U-Belt ang lokasyon nito at mura ang upa.

Ewan ko naman kung bakit sa dinami-dami ng pagkakataong hindi ko naman nadadatnan ang kasera ko sa aking pag-uwi, ngayon niya naisipang maggantsilyo sa salas kung kailan may kasama ako.

“Magandang gabi, Aling Vangie,” ang bati ko sa kanya.

Hindi siya sumagot. Tumingin lang siya sa akin at kay Gilbert, naka-arko ang mga kilay. Classic na ang ekspresyong iyon sa kanyang mukha dahil sa likas na pagkasuplada niya.

“Si Gilbert nga po pala. Kaibigan ko,” ang sabi ko pa.

“Uhum,” ang naging tugon ni Aling Vangie at muling nagpatuloy sa kanyang ginagawa.

“Saan ang kuwarto mo?” ang tanong ni Gilbert sa akin.

“Sa itaas.”

“Maaari ko bang makita?”

Nag-angat ng paningin si Aling Vangie. “Bawal ang bisita sa kuwarto ng mga bedspacers,” ang sabi, higit na mataas ang mga kilay at masungit ang mga mata.

Napatingin ako kay Gilbert, apologetic.

“Anim sila sa kuwarto. Baka may mawala at may magreklamo,” ang dugtong pa ni Aling Vangie na puno ng kataklesahan. Ano’ng palagay niya kay Gilbert, magnanakaw?

Pero hindi na-intimidate si Gilbert. “Kung solo ba ang nirerentahang kuwarto, pwede ang bisita?” ang tanong niya kay Bella Flores.

“Oo. Pero bawal makitulog,” ang sagot.

“May solong kuwarto ba kayo na bakante?”

“Meron. Pero mas mataas ang upa.”

“Magkano?”

“Two five.”

Kaagad na dumukot ng wallet si Gilbert, mabilisang nagbilang ng pera at inabot kay Aling Vangie.

Napanganga si Aling Vangie, nanlaki ang mga mata.

“Heto ang kabayaran sa apat na buwan. Lilipat ngayon din sa solong kuwarto si Anton.”

Halos dakmain ni Aling Vangie ang pera sabay sa pagkakaroon ng maluwag na ngiti sa kanyang mukha. “Sure. Sure,” ang sabi. “Walang problema.”

Bumaling sa akin si Gilbert. “Hakutin mo na ang mga gamit mo.”

Sa bilis ng mga pangyayari, hindi na ako nakakibo. Napasunod na lamang ako, mangha sa mga bagay na maaari niyang gawin para sa akin.

***

At nagsimula ang bagong kabanata ng aking buhay.

Tinalikuran ko na ang pagko-kolboy. Nag-concentrate ako sa aking pag-aaral. At dahil solo ko na ang kuwarto ko at may mga libro na ako, lahat ng libreng oras ko ay ginugol ko sa pagbabasa at pagkabisa ng mga leksiyon ko. Nagbunga iyon ng matataas na marka na ikinatuwa ni Gilbert.

Patuloy pa rin kaming nagkikita ni Gilbert. Naroong sorpresa niya akong sinusundo sa school o pinupuntahan sa boarding house. Madalas lumalabas kami kapag weekend – dinner, bar, pasyal – at doon ako natutulog sa condo niya. Maiinit pa rin ang mga gabing pinagsasaluhan namin.

Subalit hindi defined kung anong relasyon meron kami. Hindi naman kasi namin pinag-uusapan. May isang pagkakataon na hindi ko naiwasang magtanong bunsod na rin ng nag-uumapaw kong kaligayahan pagkatapos naming magtalik.

“Mahal mo ba ako?” ang tanong ko.

Hindi siya sumagot. Niyakap niya lang ako nang mahigpit.

Gusto ko mang marinig ang kanyang damdamin, nakuntento na ako roon dahil nararamdaman ko naman ang kanyang saloobin at wala akong mairereklamo sa mga kabutihan niya sa akin.

Minsan, may ibinigay siya sa aking mga damit. “Hindi ko na isinusuot. Sa’yo na lang,” ang sabi. Tinanggap ko ang mga iyon subalit nang nasa bahay na ako at hina-hanger ko na sa cabinet, napansin ko na may tag pa ang mga damit. Bago pa ang mga iyon, hindi katulad ng kanyang sabi na pinaglumaan na niya.

Minsan din, wala na akong pera. Linggo noon at nasa condo niya ako, nag-aaral dahil may exam kinabukasan. Sabay sa pagsasaulo ko ay ang pag-aalala kung saan ako kukuha ng panggastos. Siyempre, hindi na option ang pagpapa-booking. At katulad ng sabi ko, hindi ako manghihingi sa kanya. Umuwi ako na walang binabanggit tungkol sa aking problema kahit na at one point, nagtanong siya kung bakit para akong balisa. Subalit nang nasa bahay na ako at muli kong ipinagpatuloy ang pagre-review, nagulat ako. May nakaipit na pera sa aking libro.

Natuto akong magtipid nang husto upang makaraos. Naglakad ako papasok sa eskuwela. Naghapunan ng isaw at squid balls. Nag-skip ng meals.

Tinulungan din ako ni Richard upang kumita ng extra. Sa tuwing magde-deliver siya ng mga sabon at pabango sa kiosks nila sa mga mall sa Metro Manila (iyon ang business ni Dan), ako na ang isinasama niya bilang tagabuhat sa halip na tao nila.

Sa kabila ng mga hirap at pagtitiis, masaya pa rin ako dahil napapangatawanan ko ang promise ko kay Gilbert.

At lagi siyang nandiyan, hindi niya ako pinababayaan.

***

Nalalapit na ang finals. At ang inaasahan kong padala ng mga magulang ko na pang-tuition ay nabulilyaso pa dahil sinalanta ng bagyo ang aming mga pananim sa probinsiya.

Halos walang-wala na ako at ang natitira kong pera ay sapat na lamang upang ipantawid ko ng gutom. Alalang-alala ako dahil kung hindi ako makakapag-exam baka bumagsak ako at masayang lang lahat ng aking pagsisikap. Hangga’t maaari ayokong lumapit kay Gilbert. Sobra-sobra na ang nagagawa niya sa akin at ayaw kong isipin niya na umaabuso ako.

Si Richard ang naisipan kong hingan ng tulong. Subalit wala rin siyang maipahiram sa akin. Pareho kami ng paninindigan kaya ayaw niyang ilapit kay Dan ang problema ko. Umiiwas din siya sa maaari nitong isipin.

Pero nangako pa rin si Richard na tutulungan ako. Maghahanap siya ng ibang malalapitan. Kahit medyo malabo, hindi ako nawalan ng pag-asa. Naniwala ako sa kanya dahil kahit noong mga panahong nagpapahada pa kami, hindi niya ako natitiis sa ganitong mga pagkakataon.

Sa panig ko naman, naghanap din ako ng raket. Kahit anong trabaho basta marangal at malinis. Subalit talagang nahirapan ako, dahil kung may napasukan man ako, kulang na kulang ang kinita ko. Hindi sasapat upang maipon ko ang pang-tuition ko.

Isang araw, tinawagan ako ni Richard.

“Pare, hindi ako sure kung okay lang sa’yo,” ang sabi niya. “Pero malulutas nito ang problema mo.”

“Kahit ano, basta kaya ko,” ang sagot ko. Desperado na kasi ako.

May na-sense akong pag-aalinlangan sa kanya bago siya nagpatuloy.

“Ganito kasi… May kabarkada sina Dan na magma-migrate na sa Australia. Bibigyan niya ito ng despedida.”

Ano naman kaya ang relevance niyon sa akin?

“At sa despedidang iyon, balak niyang magkaroon ng… live show.”

Saka ko lang naunawaan ang tinutumbok niya.

“Pinakiusapan ako ni Dan na maghanap ng performer,” ang patuloy niya. “Alam ko na labag na ito sa kalooban mo pero ipinapaalam ko pa rin sa’yo dahil baka gusto mong i-consider. Pero kung ayaw mo, okay lang dahil may mga kakilala naman ako sa gaybar na maaari kong kuhanin. Kaya lang, pare, wala na akong ibang mahanap na paraan upang makatulong sa’yo.”

Napabuntonghininga ako.

“Dalawa kayong magpe-perform. Macho dancer ang makakapareha mo. Sayaw-sayaw muna tapos live sex sa harap ng mga kaibigan ni Dan. Malaki ang budget. Sobra pa sa pang-tuition mo. Kung gusto mo lang. Private naman ito. Tayo-tayo lang. Hindi na ito malalaman ni Gilbert.”

Natahimik ako at napag-isip.

“Pare, sorry, I even brought this up,” ang sabi ni Richard pagkaraan ng ilang sandali na hindi ko pagkibo. “Alam ko naman na nagbagong-buhay ka na. Sige, tatawagan na lang uli kita. Baka makahanap pa rin ako ng ibang way para makatulong sa’yo.”

“Sandali…” ang pigil ko sa kanya.

“O, pare… bakit?”

“Kailan ang despedida?”

Saglit na natigilan si Richard. “Pare, sigurado ka?”

“Wala na akong ibang magagawa.”

“Sa darating na Biyernes.”

“Paano tayo magkikita?”

“Maaari kitang sunduin sa boarding house mo. Mga bandang alas-sais siguro. Kasama ko na noon ang makakapareha mo. Tapos tutuloy tayo sa bahay ni Dan. Itatago ko muna kayo dahil sorpresa sa mga bisita ang palabas n’yo.”

“Ok, sige. Sa Biyernes, hihintayin kita.”

“Pare, sigurado ka?” ang ulit niya.

“Pare, may choice pa ba ako?”

(Itutuloy)

Part 9

Monday, December 13, 2010

Dove 7

Nagising ako na nasa tabi ko si Gilbert. Pinagmasdan ko siya sa kanyang pagkakahimbing.

Inisa-isa ko ang kanyang mga pisikal na katangian. Binusog ko ang aking mga mata sa kanyang makisig na kabuuan. Nag-uumapaw ako sa saya.

Subalit kinalaunan, nakadama ako ng lungkot dahil sa napipinto naming paghihiwalay. At pangamba dahil walang katiyakan kung kailan uli kami magkikita.

Kung maaari nga lang na pigilan ko sa pag-usad ang mga sandali upang manatili kami sa gayong kalagayan. Kung maaari nga lang na maging ganoon na lang kami habang buhay.

Panay ang buntonghininga ko dahil sa malabis na paghanga at pag-asam sa kanya. Gayundin sa magkakahalong emosyon sa aking dibdib.

Maya-maya, nagising na siya. At sa pagdilat ng kanyang mga mata, higit na tumingkad ang kanyang pang-akit nang tumitig sa akin ang mga iyon.

“Good morning,” ang sabi niya.

Sa kabila ng udyok ng aking damdamin na hagkan siya bilang tugon, ngumiti lang ako.

Nag-inat siya at bumangon. Bumangon na rin ako.

At dahil pareho kaming nakahubad, nagbihis muna kami. (Pinahiram niya ako ng T-shirt at shorts.) Niyaya niya ako sa kitchen na kung saan nagsimula siyang magluto ng breakfast.

Hindi ko akalain na marunong pala siyang magluto. (Although, scrambled eggs lang naman at sausages ang niluto niya.) Nag-brew din siya ng kape.

“May live-out maid ako pero hindi siya pumapasok kapag Sunday,” ang sabi niya.

Ilang sandali pa, pinagsasaluhan na namin ang almusal na inihanda niya. Hindi ko inasahan na pagkakaabalahan niya ako nang ganoon.

“Kumusta ang pag-aaral mo?” ang pagbubukas niya ng conversation.

“Okay naman. Nakakaraos din.”

“Hindi ka naman nahihirapan?”

“Medyo. Ano kasi… wala pa akong mga libro. Nakikihiram-hiram lang o kaya nakikibasa sa library. Pinag-iipunan ko pa kasi ang pambili.”

Saglit niya akong tiningnan nang mataman.

“Saan ka nga pala nag-aaral?” ang tanong niya uli.

Sinabi ko. Medyo nahiya pa ako kasi hindi iyon nabibilang sa mga sikat na eskuwelahan. Pero may magandang reputasyon din naman.

“Ano’ng course mo?”

“Education. Pangarap kasi ng nanay ko na maging teacher pero hindi natupad.”

“Iyon din ba ang pangarap mo?”

“Iyon na rin ang gusto ko para mapasaya ko siya at para makatulong din ako sa mga bata.”

“Mukhang pursigido ka naman sa iyong pag-aaral. Ipagpatuloy mo lang ‘yan at siguradong may mararating ka.”

Napangiti ako sa kanyang encouragement.

“Hanggang anong oras ang klase mo bukas?”

“Alas-kuwatro.”

Tumango-tango siya at hindi na muling nagsalita.

Tahimik naming ipinagpatuloy ang pag-aalmusal.

Pagkatapos naming kumain, ako na ang nagkusang magligpit. Tinulungan niya ako. At nang mahugasan na namin ang mga pinagkainan at pinaglutuan, muli kaming pumasok sa silid at naghanda na akong umalis.

“Ano nga pala ang number mo?” ang tanong niya.

Natuwa ako dahil nangangahulugan iyon ng pagkakaroon namin ng komunikasyon at posibleng pagkikitang muli sa lalong madaling panahon.

Kaagad kong ibinigay ang number ko. Miniskol niya ako at sinave ko iyon.

“Aalis na ako,” ang sabi ko nang matapos akong magbihis. “Salamat.”

“Sandali,” ang pigil niya.

Napahinto ako at nakita kong may inaabot siya sa akin. Pera.

Parang gusto kong ma-offend.

“Hindi mo ako kailangang bayaran,” ang sabi ko. “Wala tayong usapan. At hindi ako naniningil.”

“Hindi ito kabayaran,” ang sagot niya. “Ibinibigay ko ito dahil may gusto akong hilingin sa’yo.”

Napatitig ako sa kanya, nagtatanong ang mga mata.

“Stay out of the streets,” ang sabi niya. “Tanggapin mo ito para hindi mo muna kailanganing magbenta ng sarili.”

Parang nagbara ang lalamunan ko.

“Gusto kong pag-isipan mo ang pagsasaayos ng buhay mo. Kung maaari, simulan mo na ngayon.”

Nakita ko sa kanyang mukha ang concern at sincerity. Na-touch ako.

“Will you do it for me?”

Parang gusto kong maiyak.

***

Kalalabas ko lang sa klase nang mag-ring ang cellphone ko. Nagulat ako nang makita ko kung sino ang tumatawag. Parang lumukso ang puso ko.

“Hello? Gilbert?” Bakas ang excitement sa aking tinig.

“Hey, Anton,” ang sabi niya. “Tapos na ang klase mo?”

“Katatapos lang.”

“May lakad ka ba?”

“Wala. Sasaglit lang ako sa library tapos uuwi na.”

“Nandito ako sa labas ng eskuwelahan n’yo. Naka-park ako.”

“Ha?” Seryoso ba siya?

“Kilala mo naman ang kotse ko, di ba? Hihintayin kita.”

“Sinusundo mo ba ako?”

“Oo.”

Hindi ko maipaliwanag ang tuwang bumalot sa akin. Halos liparin ko ang gate palabas ng eskuwelahan namin.

At nang makita ko ang kotse niya, saka ko lang napagtanto na totoo nga, hindi siya nagbibiro.

Ibinaba niya ang bintana ng kotse nang makalapit ako. Naka-shades siya at naka-long sleeves and tie. Napakaguwapo niya sa sinag ng panghapong araw.

“Halika, sakay na,” ang sabi niya.

Nakaupo na ako sa tabi niya, para pa rin akong hindi makapaniwala na naroroon siya.

Binuhay niya ang makina ng kotse at nagmaniobra siya palabas ng parking lot.

Malayo-layo na ang natatakbo namin nang magawa kong magsalita.

“Saan tayo pupunta?”

“Mamamasyal,” ang sagot niya sabay tingin at ngiti sa akin.

Ngumiti rin ako. Deep inside, tuwang-tuwa ako.

“Maaga akong nakalabas ng opisina kaya naisipan kong daanan kita. Saan mo gustong pumunta?”

“Kahit saan. Basta doon sa hindi nakakahiya ang suot ko.”

“You look fine.”

“Ano kasi… Hindi ako nakabihis nang maayos.”

“Wala kang dapat alalahanin. Para sa akin, it doesn’t matter.”

Napatingin ako sa kanya at muling napangiti. Masarap sa pakiramdam iyong naa-appreciate ka kung ano ka.

Maya-maya pa, lumiko kami papunta sa Mall of Asia. Higit akong natuwa dahil hindi ko pa napupuntahan ang lugar na iyon.

Hindi ko inaasahan na sa pagpasok namin sa mall, ang una naming magiging stop ay National Bookstore. Naisip ko, siguro mahilig siyang magbasa. Okay lang, kasi gusto ko rin namang mag-browse. Mahilig din ako sa libro, wala nga lang pambili.

Akala ko sa fiction section ang tuloy namin pero dinala niya ako sa textbook section.

Bakit dito? Gusto ko siyang tanungin. Pero bago ko pa nagawa iyon, nagsalita na siya.

“Get the books you need for school.”

Gulat akong napatingin sa kanya.

“I'll buy them for you,” ang sabi pa niya.

“Are you kidding me?”

“No.”

“Hindi mo kailangang gawin ito.”

“Gusto kong gawin ito.”

“But it’s too much.”

“Gusto kong makatulong sa pag-aaral mo. And this is the least I can do.”

Noon lang may nag-care sa akin nang ganoon. Na-overwhelm ako ng emosyon na para akong natulala at hindi makakilos.

“Ano pa ang hinihintay mo?” ang pukaw niya sa akin. “Go!”

***

Over dinner, kinausap niya ako nang seryoso.

“Huminto ka na sa pagko-kolboy,” ang sabi niya. “Mag-concentrate ka na lang sa pag-aaral mo.”

“Iyon sana ang gusto ko,” ang sagot ko. “Kaya lang, may mga pangangailangan akong natutustusan ng pagko-kolboy ko.”

“Tutulungan kita.”

“Ayokong dumepende sa’yo.”

“Bakit?”

“Dahil hindi ako katulad ng iba na mapagsamantala.”

“Alam ko. Kaya nga nag-aalok ako ng tulong kahit hindi ka nanghihingi.”

“Bakit mo ginagawa sa akin ito?”

Saglit siyang tumitig sa akin bago sumagot.

“Because it makes me feel good.”

Hindi iyon ang inaasahan kong sagot. Akala ko, maririnig ko na sa kanya ang pinakaaasam ko, na gusto niya rin ako. Nakakatawa, dalawang beses na kaming naging intimate pero parang ang hirap sabihin ng feelings. Kahit ako, parang hindi ko pa magagawang aminin sa kanya na gusto ko siya.

“I will try my best na gawin ang ipinagagawa mo sa akin,” ang sabi ko sa kanya.

“Good,” ang sagot niya.

“Pero hangga’t maaari, ayokong manghingi sa’yo.”

“Saan ka kukuha ng pera?”

“Titipirin ko na lang ang padala sa akin. Maghahanap ako ng ibang pagkakakitaan. Bahala na.”

Isipin niya nang ma-pride ako, pero iyon ang gusto kong mangyari dahil… mahal ko siya. Precisely iyon ang dahilan kung bakit pumapayag ako sa gusto niya. Kahit alam ko na mahihirapan ako, gagawin ko ang gusto niya upang ma-please ko siya at maging karapat-dapat ako sa kanya.

“Okay,” ang sang-ayon niya. “Ang mahalaga, pumapayag ka. Basta nandito lang ako and my offer stays. All you have to do is ask.”

Ngumiti ako. Sapat na iyon upang lumakas ang loob ko.

“May isa pa nga pala akong hihilingin sa’yo,” ang sabi niya.

“Ano yun?” ang tanong ko.

“Maaari ba tayong magkita nang madalas?”

(Itutuloy)

Part 8

Thursday, December 9, 2010

Finally

Woohooo!!!

Tuesday, December 7, 2010

Ex-sena

Nakita kita sa simbahan. May kasamang iba.

Nagsisimba ka na pala ngayon.

Noong tayo pa, kahit minsan hindi kita nayayang magsimba. “Hindi ako religious,” ang sabi mo pa.

Isa iyon sa mga dahilan kung bakit nagkahiwalay tayo.

Iniwasan kita. Mas mabuti nang hindi mo ako makita.

***

Pagkatapos ng misa, muling nag-krus ang landas natin.

Sa bookstore sa kalapit na mall. Kasama mo siya.

Noong tayo pa, kahit minsan hindi mo ako sinamahang mag-bookstore. “Hindi ako mahilig magbasa,” ang sabi mo pa.

Isa uli iyon sa mga dahilan kung bakit nagkahiwalay tayo.

Iiwas sana ako subalit nagkasalubong na ang ating mga mata.

***

“Kumusta?” ang bati mo.

“Mabuti,” ang tugon ko.

Ipinakilala mo ako sa kasama mo. Kunwari wala tayong nakaraan.

“Saan kayo galing?” ang chika ko pa.

“Nagsimba,” ang sagot niya.

“Uy, nagsisimba ka na,” ang tukso ko sa’yo.

“Oo. Good boy na ako,” ang sagot mo, nakangiti.

“At nagbabasa na rin,” ang dugtong ko pa.

“Dahil sa kanya,” sabay turo sa kasama mo.

Ngumiti siya at nakita ko sa mga mata niya na proud siya dahil napagbago ka niya.

***

Bitbit ang mabibigat na libro, lumabas ako ng bookstore na mabigat din ang dibdib ko.

Sa huling sulyap, nakita ko kayong masayang nagba-browse.

Willing ka palang magbago at mag-adjust, bakit hindi pa sa akin noon?

Sana tayo pa rin hanggang ngayon.

At sana hindi ako nagbabasa ng romance upang pawiin ang lungkot.