Buti na lang,
na-survive ko ang holdapan sa FX. Putang inang holdaper, pagkatapos kuhanin ang
wallet ko at cellphone, inundayan pa ako ng saksak. Buti na lang, nagawa ko ang sumalag.
Akala ko nga, nadale na ako. Natumba ako pero mabilis akong nakabangon at nakatakas.
Nagtatakbo ako
mula Remedios patungong Nakpil. At dahil malalim na ang gabi, wala na akong
dinatnan sa mga kaibigan ko sa tambayan kaya dumiretso na lang ako sa
club para sa Halloween party.
Nang nasa may
pinto na ako, namputsa, saka ko lang naalala na wala akong pera. Sumimple ako sa VIP
entrance, todo ngiti sa guwardiya. Buti na lang hindi ako sinita.
Pagkapasok, kaagad kong hinanap ang mga kabarkada.
Subalit di ko
sila makita. Siksikan sa loob at nakailang ikot na ako at akyat-baba, wala
talaga sila. Naisip ko silang i-text pero, puta, pati cellphone ko nga pala ay
nakuha.
Tumayo na lang
muna ako sa isang tabi at nagmasid-masid. Marami ang naka-costume. Ako,
di talaga ako nagko-costume. Hassle lang kasi lalo na sa isang
katulad ko na nagko-commute. Pero naka-all black naman ako. Shades na lang ang
kulang, puwede na akong Matrix o MIB.
Nakaramdam ako
ng uhaw. I needed a drink, kahit beer. Kaya lang, wala nga akong pera. Namataan
ko ang isang pitsel ng Blue Frog na unattended. Lumapit ako at mabilis na nag-sip. Hindi pa nakuntento, dinampot ko ang isang bote ng Red Horse na unattended din.
Sorry, kailangan ko lang iyong gawin. Traumatic kaya ang maholdap lalo na kung pinagtangkaan
kang patayin. Kailangan kong makalma sa pamamagitan ng alak.
Nang maubos ko
ang beer, I suddenly felt sexy and naughty. Naghanap ako ng malalandi. Sinubukan
kong makipag-eye contact sa mga guwapong naroroon pero dedma sila sa aking beauty.
Haggard ba ang itsura ko dahil sa nangyari? Dati-rati naman hindi ako
nahihirapang kumonek.
Nagsisimula na
akong mainis dahil wa epek ang aking mga pagpapapungay nang mamataan ko ang
isang maputi at mestisuhing lalaki na naka-costume ng anghel -- with matching
pakpak -- na nakatingin at nakangiti sa akin. Bagay sa kanya ang kanyang
costume dahil napakaamo ng kanyang mukha. Nginitian ko rin siya at maya-maya pa
ay papalapit na siya sa akin.
Handa na sana ako sa isang “heavenly encounter” nang
mula sa likuran ay may nag-hello sa akin. Pumihit ako. Isang tall, dark and handsome na naka-costume
naman ng demonyo -- may sungay pang umiilaw -- na nakangiti nang mapanukso. Kung ang anghel ay aninag lamang ang matipunong katawan
sa kanyang puting roba, ang demonyo naman ay litaw na litaw ang dibdib at abs
dahil nakahubad siya at naka-skinny jeans lang. Natagpuan ko ang aking sarili
sa pagitan nilang dalawa at ako ay lihim na natawa dahil mistulang pinag-aagawan
ako ng mabuti at masama.
Subalit maagap
ang demonyo. Kaagad niya akong hinawakan sa kamay at hinila upang sumayaw.
Habang papalayo, sinulyapan ko ang anghel at nakita ko na parang nalungkot siya. Akala ko, sa dancefloor lang ang punta namin ng demonyo subalit dinala niya ako sa ledge. At doon, hindi ko na napigilan ang aking sarili. Epekto na rin
marahil ng alak, sumayaw ako nang
sumayaw na parang wala nang bukas.
Maya-maya, may tumapik sa aking
likod. Nang lingunin ko, aba, ang anghel -- nasa ledge na rin at gustong jumoin sa amin ng demonyo.
Dahil pareho ko silang gusto, nag-“threesome” na lang kami. Nagsayaw kaming
tatlo at napapikit na lamang ako nang sila ay magsalitan sa pag-angkin sa aking katawan.
Para
akong lumulutang sa ligaya subalit kinalaunan ay parang namanhid ang aking pakiramdam. Nagmulat ako at nagtaka dahil wala na sila, naglahong parang bula. Manipis na rin ang tao sa dancefloor at sa ledge ay ako na lang mag-isa.
Ipinagpasya ko
na ang umuwi. Paglabas ko sa club, halos wala nang tao sa kalye.
Naglakad ako patungo sa Taft. Ewan ko naman kung bakit maagang nagpatay ng ilaw
ang mga bar kaya parang ang dilim tuloy ng aking nilalakaran.
Eksaktong
pagdating ko sa kanto, may humintong bus dahil may pumara na sasakay.
Sumakay na rin ako at naupo sa bandang dulo upang makaiwas sa paniningil
ng konduktor. Nakatulog ako at nanaginip -- hindi ko na maalala kung ano. Nang ako ay
magising, nakatigil na ang bus sa tapat ng subdivision namin.
Nagmamadali akong bumaba at nilakad na lamang ang distansiya patungo sa bahay
namin.
Pagdating sa
bahay, hindi ko na kinailangang mag-doorbell dahil nakabukas ang gate.
Nagulat ako nang makita sa balkonahe ang aking mga kaibigan. Ang mga indiyanerang puta. Ano ang ginagawa nila rito? At mga naka-costume pa! Hmm, baka naman last minute ay nagdesisyon sila na sorpresahin
ako at dito na lamang sa bahay mag-Halloween party.
“Mga baklaaa!!!”
ang tili ko sa kanila.
Subalit hindi
nila ako pinansin. Dedma sila na patuloy sa pag-uusap-usap. Aba, ginu-goodtime
yata ako ng mga hitad.
“Tseh! Kung ayaw
ninyo akong pansinin, e di huwag,” ang sabi ko sabay irap.
Pagpasok ko sa salas,
nagtaka ako dahil nakabukas ang lahat ng ilaw. Marami ring bisita. Aba, mukhang
may party nga.
Natigilan ako nang makita ko ang kabaong --
natatanglawan ng kandelabra at naliligiran ng mga korona.
“Burol ba ang tema? How ingenious!”
Lumapit ako sa kabaong at sumilip sa loob.
“Oh my God!”
Nagimbal ako at nanghilakbot.
“Hindi!!!”
“Oh my God!”
Nagimbal ako at nanghilakbot.
“Hindi!!!”
Ang nakahiga sa loob ng kabaong ay ako.
8 comments:
happy halloween, everyone! :)
hinulaan ko ang ending at voila...
TAMA AKO!
HAPPY HALLOWEEN TO ALL!
Happy Halloween, magandaa ng istorya...mahusay ang pagkakagamit ng anghel at demonyo
astig ng story, sumasabay sa halloween... pero beyond the creepyness of the story, naisip ko na posibleng mangyari yan kaninu man at saan man... lalo sa katulad ko na nagko commute lang din kapag nagpupunta ng malate... thanks aris... this will also serve as a reminder to me :P
shit! naenjoy pa naman ako sa story. horror pala. kinilabutan tuloy ako.kaya pa di na sya siningil ng bus driver
Cleverly written. Ang creepy ng dulo.
ANG GANDA! :)
@aboutambot: nahulaan mo ba? hehe! sana na-enjoy mo pa rin ang story. :)
@inong: thanks, inong. happy ako na nagustuhan mo. :)
@amver: ingat always lalo na sa gabi. maraming masasamang loob ngayon.
@phioxee: hello, phioxee. welcome to my blog. sana nagustuhan mo pa rin kahit naging horror sa bandang huli. please visit again soon. :)
@ericka martin: hello, ericka. welcome to my blog. thank you for the visit. hope to "see" you again soon. :)
Post a Comment