Tuesday, August 13, 2013

Ang Misteryo Sa Ilog


Sabi nila, huwag na huwag daw akong gagawi sa ilog kapag ganitong kabilugan ng buwan. Dito raw nagaganap ang mga misteryong mahirap ipaliwanag. Mga kaganapang kinatatakutan, pinakaiiwasan. Na kahit makabago na ang panahon ay patuloy na pinaniniwalaan.

Subalit sa halip na matakot, umiral ang aking kuryusidad na tuklasin, lutasin ang sinasabing hiwaga. Hindi nararapat na patuloy na mabuhay sa pamahiin at kamangmangan ang mga taga-San Simon. Ako, bilang isa sa mga umalis noon at ngayo’y nagbabalik na may taglay nang karunungan, ay may tungkuling makapag-ambag, makapag-angat sa kanilang kamalayan. Mapasinungalingan ang mga maling paniniwala. Mabigyan sila ng bagong pananaw sa buhay.

Kaya ngayong gabi ng tinatawag na “supermoon” na kung saan pinakamaliwanag ang buwan at halos abot-kamay sa langit, nagtungo ako sa ilog. Nakahandang harapin ang anumang pinangingilagan, alamin ang katotohanan sa likod ng misteryong sa loob ng mahabang panahon ay walang nangahas maghanap ng kasagutan.

Ginawa ko iyon dahil na rin siguro sa kawalan ng mapaglilibangan at sa paghahanap ng lunas sa kalungkutang namamayani sa aking puso. Dahil sa kabiguan sa pag-ibig kaya nagbalik ako sa San Simon. Dahil sa pakikipaghiwalay sa akin ni Aldo kung kaya ang aking buhay ay tila nawalan ng saysay. At sa aking estado, maaari kong gawin ang kahit ano, mapanganib man at ipinagbabawal, dahil kailangan kong muling makaramdam ng kahit anong emosyon upang magawa ko ang magpatuloy.

Dinatnan kong tahimik ang ilog. Walang bakas ng anumang nakapanghihilakbot. Sa katunayan ay napakaganda nito. Nanghahalina ang mga mumunting alon na tila hibla ng mga pilak na hinahabi sa tanglaw ng buwan. At sa malinaw nitong tubig ay nasasalamin ang kutitap ng mga bituin.

Naupo ako sa isang malaking batong nakausli sa baybayin at pinagmasdan ko ang malumanay na agos. Nakadama ako ng kapayapaan sa halip na takot. Nakadama ako ng lungkot at pangungulila kay Aldo, higit lalo at nagsimulang umihip ang hangin at sa paglalagos nito sa mga puno, sa pagitan ng mga dahon, ay tila may naulinig akong himig. Malamyos na himig na bagama't walang titik ay tumatagos sa dibdib. Paanong ang hangin ay nagawang tukuyin ang pait sa aking damdamin, ang pananabik sa isang naglahong pag-ibig?

At ako'y nagsimulang umiyak habang nakatunghay sa tubig. Higit na nagtumining ang agos at ang hangin ay hindi lamang nalipos ng himig kundi pati ng hinagpis. Tila may uli-uli ng lungkot na humalukay sa aking dibdib. Umiyak ako nang umiyak hanggang sa mapahagulgol. Hindi ko alam kung bakit ang mga naipong sakit ay parang bukal na biglang nag-umapaw. Hindi ko mapigil. Hindi ko maunawaan kung bakit.

Doon ko siya nakita. Sa una'y parang pagkalabusaw lamang ng tubig, pagpasag ng isang malaking isda. Subalit iyon ay nagpatuloy nang paulit-ulit mula sa malayo, gumuhit nang pabalik-balik sa kahabaan ng ilog. Hanggang sa maya-maya'y nakita kong papalapit na ito sa akin at doon ko napagtanto na ito ay hindi isda o anumang nilikha kundi tao. Nagulat ako nang bago makarating sa akin ay bigla itong umigpaw at pumaimbulog sa hangin. Napakaganda ng hubog ng katawang nalantad sa akin, halos perpekto. Isang lalaking matipuno at hubo't hubad ito.

Nang tuluyan nang makalapit sa akin ang lalaki ay natigilan ako. Napatitig ako sa kanya at napatayo. Napasalubong, halos patakbo, upang tiyakin na hindi ako pinaglalaruan ng imahinasyon ko. Nakatingin din siya sa akin, ang kalahati ng katawan ay nakalubog sa tubig.

Tinanglawan ng napakaliwanag na buwan ang kanyang mukha na sa aking banaag ay tila kumikislap, nagniningning. Ngumiti siya sa akin.

“Aldo?” Umalingawngaw ang tinig ko sa katahimikan ng gabi.

Nanuot ang kanyang mga titig. Ang mga mata'y tila batubalaning humigop sa akin. Hindi ko nagawang bumitiw, maglayo ng tingin.

“Aldo? Ikaw nga ba?” ang ulit ko, mabilis ang tahip ng dibdib. Ang paninimdim ay kaagad nahalinhan ng tuwa.

***

Alam kong namamalikmata lamang ako dahil sa isang iglap, nagbago ang kanyang anyo. Hindi na si Aldo ang nasa aking harapan kundi isang makisig na estranghero. Gayunpaman, hindi napawi ang aking tuwa. Tila higit pa itong naging masidhi habang nakatitig sa kanya.

"Bakit ka naririto?" ang tanong niya. "Hindi ka ba natatakot?"

“Natatakot?” ang aking sagot. “Bakit ako matatakot?”

“Ang ilog na ito ay kinatatakutan kapag ganitong kabilugan ng buwan.”

“Mistulang paraiso ang lugar na ito sa liwanag ng buwan. Sabihin mo nga sa akin, may dapat ba akong ikatakot?”

Hindi siya sumagot. Nanatiling nakatingin sa akin.

“Bakit ka naririto?” Muli, ang kanyang tanong.

“Dahil gusto kong tuklasin ang misteryo ng ilog,” ang sagot ko. “Gusto kong alamin kung totoo ang mga sinasabing kababalaghan. At kung hindi man, gusto ko iyong pabulaanan.”

“May iba pa bang dahilan?”

“Malungkot ako,” ang aking pag-amin. “Mayroon akong pinangungulilahan. Isang naglahong pag-ibig. Isang masakit na nakaraan.”

“Si Aldo?”

Tumango ako.

Patlang. Maya-maya ay dahan-dahan siyang umahon. Muli kong nasilayan ang kanyang kahubdan at mataman ko iyong pinagmasdan. Hindi ako tuminag hanggang sa siya ay makalapit sa aking kinaroroonan. Humimpil siya sa aking harapan, halos isang dangkal lang ang aming pagitan. Nalanghap ko ang maskulinong halimuyak ng kanyang katawan.

Patuloy na namagitan sa amin ang katahimikan.

“Ano ang pangalan mo?” ang basag niya rito pagkaraan.

“Ako si Dino,” ang sagot ko.

“Ako si Rio.” Hinawakan niya ang kamay ko. “Ako ang misteryo ng ilog.”

Napakunot-noo ako.

“Ako rin si Aldo... kung gugustuhin mo.”

Lalo akong naguluhan. “Hindi ko maintindihan...”

“Maaari mo akong tuklasin. Alamin kung totoo. At maaari mo rin akong damhin upang maibsan ang pangungulila mo.”

Dinala niya ang kamay ko sa kanyang dibdib. Nadama ko ang pintig ng kanyang puso. Nasalat ko ang pintog ng kanyang masel. Tila may init na nagpakislot sa aking mga ugat sa paglalapat ng palad ko sa kanyang balat.

Bago pa ako nakahuma, ako ay kanyang hinagkan. At niyakap. Ang init na dumaloy sa aking katawan ay parang lagnat na nanuot sa aking kaloob-looban at nagpahina sa aking pakiramdam.

Bago ko pa namalayan, napagtagumpayan niya na akong hubaran. Naglakbay ang kanyang mga halik at haplos sa aking kabuuan. Para akong yagit na nagpatangay sa agos, nagpatianod at nagpaubaya sa kanyang pagsiklot-siklot.

Tinalik niya ako at huminto ang mga sandali. Nahibang ako at nakalimot.

Nang siya ay dagliang magbitiw, napasinghap ako. Tumalikod siya at dahan-dahang lumayo. Lukob ng pagnanasang hindi mapawi, sinundan ko siya ng tingin at nang magawa kong magsalita, halos magmakaawa ako.

“Huwag. Huwag kang umalis. Huwag mo akong iwan.”

Sa gilid ng dalampasigan kung saan nagtatagpo ang lupa at tubig, siya ay tumigil. Nang humarap siya sa akin, muli kong nasilayan si Aldo. Inilahad niya ang kanyang kamay. 

“Halika, Dino. Sumama ka sa akin.”

Lumapit ako nang walang pag-aatubili. Inabot ko ang kanyang kamay at hinayaan kong dalhin niya ako sa ilog. 

6 comments:

Geosef Garcia said...

This is nice. Napakahiwaga. :) at ang ganda ng mga ginamit na salita.

aboutambot said...

ang galing! isa ito sa pinakagusto ko. kinilabutan ako habang binabasa ito:)

That Fat Gay Guy said...

Gusto ko rin po makapagsulat nang ganito. Hay, sana malawak din ang bokabularyo ko.

Anonymous said...

Bilib talaga ako sa u Aris sa pagkatha at paglubid ng storya gamit ang sariling wika natin.

Vivian said...

Ang galing mo naman :-) sana mas marami ka pang masulat.

Xhelle Corpuz said...

ang galing mo naman po magsulat. ngayun nalang ako muling nakakabasa ng mga matalinhagang salita.