Saturday, June 1, 2013

San Marino Summer 4

Hatinggabi nang maalimpungatan si Adrian. May naulinig siyang mga kaluskos at mahinang anas sa labas. Dahan-dahan niyang binuksan ang pinto ng kanyang silid at siya ay sumilip. Madilim ang buong kabahayan subalit sapat ang liwanag ng buwan upang makita at makilala niya ang dalawang aninong naroroon sa veranda. Si Dolores at – si Lucas! Dis-oras na nang gabi, ano ang ginagawa ni Lucas sa bahay ni Dolores? At ano ang kanilang pinag-uusapan? Bunsod ng curiosity, dahan-dahan siyang lumabas ng silid, halos pagapang na lumapit sa veranda nang hindi namamalayan ng dalawa at nagkubli sa likod ng sofa upang mag-eavesdrop.

“Hindi ka na dapat nagpunta rito,” ang sabi ni Dolores. “Itigil na natin ito.”

“Mahirap para sa akin,” ang sagot ni Lucas. “Hindi ko yata kayang gawin.”

“Hindi na tama. Kailangan na nating putulin ang namamagitan sa atin.”

“Ikaw ang mahal ko, Dolores.”

“Huli na ang lahat.”

“Pinagsisisihan ko kung bakit hindi ako sa’yo naging matapat.”

“Kailangan mo siyang panindigan. Nakahanda akong magparaya.”

“Bakit, hindi mo na ba ako mahal?”

“Mahal kita kaya nakahanda akong magsakripisyo. Huwag na nating guluhin pa ang sitwasyon. Huwag na nating hintayin pang mabunyag ang ating lihim.”

Tila hindi na napigilan ni Lucas ang tinitimping damdamin. Napayakap ito kay Dolores. “Patawarin mo ako, Dolores. Ako ang may kasalanan.”

“May kasalanan din ako. Hindi ko dapat hinayaang mangyari ito. Alam ko namang...”

Hindi na naituloy ni Dolores ang sasabihin dahil siniil na siya ng halik ni Lucas. Napayakap na rin si Dolores at buong pananabik na tumugon ang mga labi. Matagal silang naghalikan bago nagbitiw.

“Umalis ka na,” ang sabi ni Dolores. “Baka may makakita pa sa atin. Baka magising pa ang aking pamangkin.”

Pigil ang hininga ni Adrian sa kanyang pinagkukublihan, mabilis ang tibok ng puso dahil sa natuklasan  –  may bawal na relasyon sina Dolores at Lucas – at sa takot na mahuli siya ng mga ito sa kanyang paniniktik.

Napapikit siya at nakiramdam na lamang. Maya-maya pa ay narinig niya ang mga yabag pababa ng hagdan. Gayundin ang pagbukas at pagsara ng pinto ng silid ng kanyang Tiya. Matagal muna siyang hindi tuminag at nang tahimik na ang lahat ay saka siya dahan-dahang bumalik sa kanyang silid.

Nahiga siya at matagal na nanatiling gising. Hindi niya naiwasang mabagabag ang isip. Sa natuklasang lihim ng kanyang Tiya – at ni Lucas – ano nga ba ang totoong sitwasyon ng dalawa? Sino ang ikatlong partido sa love triangle nila? At bakit kailangang magparaya ni Dolores gayong siya ang mahal ni Lucas? Bakit hindi niya ipaglaban ang kanilang pag-iibigan? Bakit mas pinipili niya ang masaktan?

Nakatulugan na lamang ni Adrian ang mga tanong at ispekulasyon sa kanyang isipan.

(Itutuloy)

Part 5

7 comments:

Joseph Campomanes said...

OMG!!!!!
I have a wild guess tungkol sa "third party".
Exicted ako sa susunod mong post.

Aris said...

@joseph campomanes: wait na lang natin kung sino yung third party. hehe! thanks, joseph. :)

Anonymous said...

.. . .na miss ko itong blog mo kuya aris. . .
idol kita sobra. . . .ILOVEYOUKUYAARIS. .:)

#im james from gensan.

Aris said...

@james from gensan: hello james. salamat. i love you too. :)

Anonymous said...

...hahaah kinilg ako bigla... continue writing po kuya... silent reader nyo lang ako dati... godbless po...


#im james

Anonymous said...

...kinilig ako sayo kuya...

Aris said...

@james: i will basta't palagi kang magbasa. god bless you too. :)

@anonymous: salamat. :)